Misis na feeling hopeless yumaman, anak ang posibleng tumupad ng pangarap
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad| December 06, 2020

KATANUNGAN
Mula pagkabata, sa aming probinsiya sa Bicol at hanggang ngayong nakapag-asawa na ako at nagka-anak, bakit hindi pa rin kami maka-ahon-ahon sa kahirapan? Ito na ba ang aking tadhana, ang tumatanda at mamamatay nang walang kaginhawaang madarama sa buhay?
Pangarap naming mag-asawa na mapagtapos sa pag-aaral ang aming mga anak dahil pareho kaming hindi nakapag-aral ng asawa ko. Sa palagay n’yo, Maestro, matutupad ba namin ang pangarap naming ito o nakaguhit na sa aming mga palad ang kahirapan na maaaring maipamana pa namin sa aming mga anak at magiging apo?
Ano ang dapat naming gawin upang magbago ang aming kapalaran at may pag-asa pa bang umunlad ang aming pamilya kahit kaunti lang?
KASAGUTAN
Nangyaring ganyan ang kapalaran mo dahil parehong “sloping” na mahaba ang Head Line (Drawing A. at B. H-H arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na sa kasalukuyan, kulang na kulang kayong mag-asawa sa praktikalidad at pagkilos.
Sa sandaling sloping ang Head Line (arrow a.) ng isang indibidwal, ito ay tanda na puno ka ng mga pangarap at magagandang ambisyon, ngunit tulad ng nasabi na, dahil “sloping na mahaba ang head line”, tila hindi kayang ipatupad at bigyang kaganapan ang iyong mga pangarap at ambisyon sa buhay. Dahil dito, hindi naman sinasabing wala ka nang pag-asa, sa halip, kailangang matagpuan sa guhit ng palad ng iyong mister ang isang simple, straight o tuwid na Head Line (Drawing A. at B. H-H arrow b.).
Subalit kung hindi ganyan ang Head Line (arrow b.) sa kaliwa at kanang palad ng iyong mister, tulad ng iyong inaasahan, wala na ngang pag-asang umunlad at umasenso pa ang inyong pamilya, maliban na lang kung isa sa mga anak mo ay nagtataglay ng sinasabi nating “tuwid na Head Line (arrow b.) sa kaliwa at kanan niyang palad.”
Sinuman sa anak mo ang pinagkalooban ng nasabing Head Line na tuwid at simple lang ang pagkakaguhit, tiyak ang magaganap sa susunod na pag-ikot ng mundo, sa darating pang mga taon ng kanyang buhay, posibleng ang anak na may straight Head Line (H-H arrow b.) ang mapalad na anak na mag-ahon sa inyo sa kahirapan.
MGA DAPAT GAWIN
Tandaang kapag pagyaman at materyal na tagumpay ang kailangan, napakahalaga ng porma o pagkakaguhit ng Head Line (Drawing A. at B. H-H arrow a. at b.) sa kaliwa at kanang palad. Kaya ang unang tinitingnan kung ang isang tao ay uunlad at aasenso sa buhay, partikular sa materyal na bagay, dapat simple o kakauti lang ang guhit sa kaliwa at kanang palad.
Pangalawa, kailangang straight at maikli ang Head Line (arrow b.) at pangatlo, kailangang may tigas, kapal, talbog at enerhiya ang kaliwa at kanang palad kapag ito ay kinapa o sinalat.
Sa sandaling may ganyang guhit ng palad ng isa, dalawa o sinuman sa inyong mga anak o ang iyong mister, tiyak ang magaganap, malaki ang pag-asa na makaahon kayo sa kahirapan at tuluyang umunlad, na ayon sa Decadens ng Kapalaran ng iyong pamilya, ito ay posibleng mangyari at maganap sa taong 2027 sa edad mong 55 pataas.




Comments