Miracle shot ni DeRozan; triple double si Giannis
ni Anthony E. Servinio - @Sports | January 03, 2022

Ipinasok ni DeMar DeRozan ang three-points mula sa kanto sabay tunog ng huling busina upang ibigay sa Chicago Bulls ang milagrong 120-119 panalo sa Washington Wizards sa unang araw ng 2022 ng NBA mula sa Capital One Arena. Ito na ang ika-7 sunod na panalo ng Bulls at mas mahalaga ay inagaw nila ang solong liderato ng Eastern Conference sa kartadang 24-10.
Tumanggap ng pasa mula kay Coby White si DeRozan at agad itinira ang bola kahit dalawa ang bantay sa kanya. Ito ang pangalawang sunod na laro na naipanalo ng tres ni DeRozan ang Bulls. Nagtapos na may 28 puntos si DeRozan upang hindi masayang ang 35 puntos mula sa pitong tres ni Zach LaVine. Nanguna sa Wizards si Kyle Kuzma na may 29 puntos.
Dala ng World Champion Milwaukee Bucks ang init mula 2021 at tinambakan ang New Orleans Pelicans, 136-113, para sa ika-anim na sunod na tagumpay at manatiling pangatlo sa East na may 25-13 panalo-talo. Triple double si Giannis Antetokounmpo na 35 puntos, 16 rebound at 12 assist sa loob lang ng 32 minuto.
Sumandal muli ang Golden State Warriors sa matalas na kamay ni Stephen Curry upang makamit ang 123-116 pagwagi sa Utah Jazz at tumibay ang hawak sa liderato ng buong NBA at Western Conference sa 28-7 panalo-talo sabay pagputol sa anim na magkasunod na panalo ng Jazz.
Bumida si Curry na may 28 puntos buhat sa anim na tres, ang ika-158 sunod na laro may naipasok siya na kahit isang tres, at tinulungan ni Andrew Wiggins na may 25 puntos. Nanguna sa Utah sina kabayan Jordan Clarkson, Rudy Gobert at Donovan Mitchell na may tig-20 puntos.
Hindi nakasabay sa liderato ng East ang Brooklyn Nets at sinayang ang 105-92 na lamang sa huling anim na minuto at ginulat sila ng bisitang Los Angeles Clippers, 120-116. Bumomba ng tres na may 2 segundo sa orasan si Saddiq Bey upang ibigay sa Detroit Pistons ang 117-116 panalo sa San Antonio Spurs sa overtime. Lalong ibinaon ng Denver Nuggets ang Houston Rockets sa ilalim ng West, 124-111.





Comments