Milyun-milyong Covid vax, naaksaya na naman
ni Ryan Sison @Boses | March 11, 2023
Aabot sa mahigit 50 milyong doses ng COVID-19 vaccine ang nakaambang masayang hanggang sa katapusan ng Marso at posibleng mas dumami pa ito sa mga susunod na buwan.
Ito ang kinumpirma ni Department of Health (DOH) Officer-in-Charge Maria Rosario Vergeire sa pagdinig sa Senado, kasunod ng naging pagkukuwenta o computation ni Senator Francis Tolentino, chairman ng Blue Ribbon Committee na maaaring pumalo sa 50.74 milyong doses ang bakunang mapapaso ngayong buwan.
Sa kasalukuyan, mayroong 44 milyong doses ng COVID-19 vaccine wastage, at madaragdagan pa ito ngayong Marso ng 6.74 milyong doses na bakuna na mae-expire, kaya nasa kabuuang 50.74 milyong doses ang inaasahang masasayang.
Pahayag ni Tolentino, may 4.36 milyong doses ng Pfizer para sa mga adults na nag-expire na nitong Pebrero, kabilang ang 3 milyong doses ng Pfizer pedia na mapapaso ngayong Marso at Abril. Nasa 2.16 milyong doses ng Sinovac ang mae-expire sa Setyembre at Oktubre habang ilang 13,040 doses din ng Sinovac ang mapapaso sa katapusan naman ng Mayo.
Sa latest data ng DOH, nananatili pa rin ang vaccine wastage sa 44 milyong doses o katumbas ng 17.5 porsiyento na nasayang na bakuna.
Sa nasabing record, nasa 2.97% ang vaccine wastage sa national, 33.4 porsiyento sa local government units (LGUs), 44.8% sa private procurement, 13.19 porsiyento sa COVAX at 7.06% na napasong bakuna mula sa procurement na idinaan sa bilateral agreement.
Ayon pa kay Vergeire, posibleng ang bilang ng masasayang na bakuna ay aabot sa mahigit 60 milyon dahil ito sa vaccine hesitancy ng publiko, subalit patuloy ang DOH sa ginagawang pagsisikap upang maipatupad ang mga vaccination program ng gobyerno.
Samantala, tiniyak naman ni Vergeire na ang kasalukuyang disposal process ng mga wasted vaccines ay “safe” o ligtas.
Nakapanghihinayang naman ang mga napanis o mapapaso pa lang na mga doses ng COVID-19 vaccine at hindi nagamit para ibakuna sa mga mamamayan.
Sayang ang pondong inilaan para rito at sa naging gastusin ng gobyerno sa pag-procure ng mga vaccines.
Sa halip sana na ang pera na ipinambili sa mga ito ay ibinigay na lang o ginawang ayuda sa mahihirap na mga kababayan, lalo na sa mga walang-wala talagang makain o tinatawag na poorest of the poor, malaki pa ang naging pakinabang nito sa kanila.
Batid naman ng taumbayan na ginagawa ng mga kinauukulan ang kanilang tungkulin, subalit sana ay masusing pinag-aralan at plinano muna nang mabuti ang mga programa bago nagdesisyon upang hindi na masayang pa ang lahat ng mga pinaghirapan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments