top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

Milyong halaga ng tanim na marijuana, nadiskubre sa Benguet

Writer: BULGAR
BULGAR
Jan 19, 2024
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Enero 19, 2024


Tila dumarami na naman ang gumagamit ng ilegal na droga partikular na ang marijuana. 


Hindi kasi bababa sa 15 plantasyon ng marijuana ang nadiskubre ng mga otoridad sa bayan ng Kibungan, sa lalawigan ng Benguet kamakailan.


Ayon sa National Bureau of Investigation (NBI), nakasabat ang mga operatiba ng Cordillera Regional Office at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) noong January 10 ng humigit-kumulang 40,500 piraso ng fully grown marijuana plants, na may tinatayang halaga na P8.1 milyon, sa lupang may lawak na 8,100 square meters.


Nabatid na nag-ugat ang kanilang operasyon mula sa isang report ng isang impormante.


Sinabi rin ng kagawaran na ang marijuana plants na kanilang nasamsam ay handa na umano para anihin.


Bagama’t wala silang nahuli at walang cultivators o nagtatanim ng mga naturang halaman, sinabi ng NBI na patuloy pa rin ang kanilang dokumentasyon at gagawing pagwasak sa mga marijuana plants na nakumpiska.


Nakakabahala na marami sa ating mga probinsiya ang nagiging plantasyon ng marijuana na maituturing natin na isang uri ng ilegal na droga.


Talagang nagdodoble-kayod na ang mga sindikato ng droga dahil pati sa mga lalawigan ay tinatarget na nila para doon simulan o magtanim ng ganitong ilegal na halaman at saka ipapakat sa iba’t ibang lugar sa bansa.


Hindi nga naman agad mapapansin ng mga otoridad na mayroon na palang plantasyon ng marijuana sa mga probinsiya, kundi pa ang mga ito ay madiskubre at malapit nang anihin.  


Totoong may mga lugar sa ibang bansa na legal na ang paggamit ng marijuana, subalit sa Pilipinas ay nananatili itong ipinagbabawal, kaya marapat lamang na ang mga plantasyon nito ay wasakin at sunugin. 


Paalala sa ating mga kababayan na iwasan sana nating masangkot sa ilegal na droga o kaya naman ay subukang gumamit nito. Lagi nating iisipin na anumang klase ng droga ay sadyang makakasira ng buhay, pamilya at kinabukasan.


Sa kinauukulan, dapat na tuluy-tuloy ang ginagawang pagkilos at paglaban sa droga, habang huwag maging ningas-kugon.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page