Militante at kalaban ng gobyerno mismo ang nangbaboy sa pinaglalaban kunong “human rights”
- BULGAR

- Oct 17, 2020
- 2 min read
ni Ka Ambo - @Bistado | October 17, 2020
Isang detenidong militante ang hindi nakatikim ng magandang trato nang makipaglamay at makipag libing sa sariling sanggol.
Isang malungkot na eksena ng humanidad!
◘◘◘
Sa materyalidad na lipunan, kakaunti ang nakauunawa ng humanidad.
Kakaunti ang nakauunawa ng tunay na esensiya ng pulitika!
◘◘◘
Sa kabila ng masalimuot na kahulugan ng humanidad at pulitika, tangkain natin ipaunawa ito sa ordinaryong tao at maging sa mga awtoridad.
Halimbawa, ang relasyon ng ina at anak—at higit pa sa alinmang batas na umiiral sa lupa.
Kakambal ito ng kabanalan—kaya’t ang larawan ng Banal na Trinidad ay napakahalaga!
◘◘◘
Sa kabila ng relasyon ng Kristo kay Birhen Maria, hindi pa rin maunawaan ng tao ang kahulugan ng pagiging “ina” at pagiging “anak”.
Isang isyu ito na hindi napapansin!
◘◘◘
Humanidad ang isyu sa kontrobersiyal na eksena ng mitanteng ina na naulila sa kanyang sanggol.
Ang katagang “human rights” ay gasgas at binaboy ito mismo ng mga militante at kalaban ng gobyerno!
◘◘◘
Kung bakit hindi nauunawaan ang “human rights”, ito ay dahil may iba itong kahulugan.
Ang mas angkop na gamit ay “humanidad”.
Ito ay ang pagmamahal, pagpapahalaga sa buhay ng “tao”.
Higit na mataas na antas ito kaysa sa “pulitika”!
◘◘◘
Sa kabilang panig, ang mabuting kahulugan ng “pulitika” ay binaboy mismo ng mga “pulitiko”.
Ang “pulitika”, taliwas sa pagkakaalam ng ilan—ay hindi “partisan politics”.
Ang pulitika ay masinop, dakila at epektibong iskema sa lipunan upang maisulong ang kapakanan ng nakararami—gamit ang karunungan, kaalaman, karanasan ay talino ng tao—partikular ng mabuting lider!
◘◘◘
Sa katagalan, ang pulitika ay nabahiran ng pagkukunwari, korupsiyon, pagiging makasarili, ganid at gahaman ng mga lider sa kayamanang material.
Naglaho rito ang esensiya ng marubdob na pagnanasang umasiste at umunawa sa nakararaming mamamayan na makapamuhay at umunlad nang maayos batay sa modernisasyon!
◘◘◘
Ang tunay na militante—ay hindi pansarili niya ang ipinakikipaglaban, bagkus ay ang ideolohiyang pinaniniwalaan niyang tama upang maiayos ang kanyang lipunan at kapaligiran.
Gayunman, ang dalisay na mithiin ng ideolohiya gamit ang impormal at pormal na kilusan at organisasyon ay binaboy din ng mga makasarili at materyosong mga bulaang lider!
◘◘◘
Hindi personal ang pinakikipaglaban ng mga lider-militante, pero hindi rin naman personal ang ipinakikipaglaban ng military, pulis at elemento ng awtoridad—bagkus ay para rin sa ikabubuti ng lahat.
Ibig sabihin, ang militante, sundalo at pulis ay may iisang mithiin: Ito ay hindi personal, bagkus ay para sa ikaaayos ng lipunan para sa kapakanan ng nakararami.
Gayunman, dahil sa kawalan ng tiwala, at personalidad na namamagitan sa bawat organisasyon—nababahiran ito ng personal na motibo!
◘◘◘
Ang personalidad o pagiging makasarili o paglayo sa ganap na mithiin ng ideolohiya ay siyang ugat ng kaguluhan.
Sa Pilipinas, ang armadong pakikibaka o paggamit ng marahas at madugong iskema sa pagbabago—ay ipinagbabawal ng Konstitusyon.
Pero ang ideolohiyang mapayapa at maayos na nakikiangkop sa demokratikong proseso—ay hindi ipinagbabawal ng batas.
Ito ay dahil ang tunay na mithiin ng lahat—gamit ang mabuting pulitika—ay ang maingatan at maiangat ang humanidad sa pinakamataas na antas ng pag-unlad!




Comments