MIF, 'pag nalugi o nakurakot, pangulo at mga mambabatas ang dapat managot
ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | May 30, 2023
DAMI NANG NABALITANG NABIKTIMA NG INVESTMENT SCAM SA ‘PINAS, TAPOS ANG GOBYERNO GUSTO PANG MAGKA-MAHARLIKA INVESTMENT FUND—Huwag na nating pag-usapan ang investment fund ng Malaysia na kinurakot o ini-scam ang investment ng Norway at iba pang bansa na nalugi.
Ang pag-usapan na lang natin ay ang mga nabalitang napakarami nating mga kababayan sa ‘Pinas ang humingi ng tulong sa mga awtoridad dahil nabiktima raw sila ng investment scam, at kapag nahuli naman ang mga scammer, ang laging palusot ng mga ito ay hindi raw sila mga scammer, kundi nalugi lang daw negosyo at ang nadamay sa nalugi ay ang na-invest na pera sa kanila ng mga investors.
Ganyan ang posibleng mangyari sa Maharlika Investment Fund (MIF) na pinapaapura ni Pangulong “Bongbong” Marcos Jr. (P-BBM) na i-aprub ng Kongreso at Senado bago sumapit ang kanyang State of the Nation Address (SONA) sa Hulyo 2023, boom!
◘◘◘
KAPAG NAKURAKOT ANG MAHARLIKA INVESTMENT FUND, MAITATALA SA KASAYSAYAN NA 'YAN ANG PINAKAMALAKING KORUPSYON NA NAGANAP SA MUNDO—May mga isyung lumalabas ngayon sa social media na hindi lang daw P275 billion kundi P500-B ang kukunin ng Malacañang with approval ng majority senators and congressmen sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), Land Bank of the Philippines (LBP), Development Bank of the Philippines (DBP), Social Security System (SSS), Government Service Insurance System (GSIS) at sa iba pang Government-Owned and Controlled Corporation (GOCC).
Kaya kapag ang pera ng bayan ay nakurakot at ikinatwiran lang ng pamahalaan na nalugi, tiyak na maitatala sa Guinness World Records na 'yang Maharlika Investment Fund ang pinakamalaking korupsyon na naganap sa kasaysayan ng mundo, period!
◘◘◘
PATI CORRUPTION, GUSTONG GAWING LEGAL SA ‘PINAS—Maraming sektor ng lipunan ang tutol sa Maharlika Investment Fund (MIF) dahil posible raw na kurakutin lang ng mga 'buwaya' sa pamahalaan ang pera ng bayan na ipangpopondo dito, pero ang Marcos admin at mga kaalyado nitong kongresista at senador ay pursigidong ituloy ito, gusto nilang maisabatas ang MIF bago ang SONA ni P-BBM.
Hay naku, onli in da ‘Pinas na ang korupsyon ay gustong gawing legal, at ang matindi, gusto ng pamahalaan ay urgent na isabatas agad ang MIF, buset!
◘◘◘
DAPAT ISAMA SA PROBISYON NA MANANAGOT ANG PRESIDENTE, MGA SEN. AT CONG. KAPAG NAKURAKOT O NALUGI ANG MAHARLIKA INVESTMENT FUND—Kung talagang wala nang atrasan ang Maharlika Investment Fund (MIF), sana isama sa probisyon ng batas na ang presidente, at ang mga senador at kongresistang boboto ng pabor dito ay masama sa sasampahan ng kasong plunder kapag kinurakot ang pera ng bayan na nasa MIF.
'Ika nga, hindi dapat makalusot sa pananagutan ang presidente, mga senador at kongresista kapag naglahong parang bula ang kaban ng bayan na ipangpopondo sa MIF dahil pera ng bayan ang "isusugal" d’yan ng gobyerno, at hindi naman pera ng mga traditional politicians (trapo), period!





Comments