top of page

‘Michael Ma’ na business partner ng utol ni FL Liza, lagot kay Sen. Imee!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Feb 2, 2023
  • 2 min read

ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | Pebrero 2, 2023


AGRI-SMUGGLERS, HATE NI SEN. IMEE, PERO SI P-BBM DEDMA LANG— Hate ni Sen. Imee Marcos ang mga smugglers, lalo na ang mga agri-smugglers na sanhi ng pagtataasan ang presyo ng mga produktong pagkain na labis na nakakaapekto sa buhay ng mamamayan, kaya noong Hulyo 25, 2022 ay nanawagan ang senadora sa kanyang kapatid na si Pres. Bongbong Marcos (P-BBM) na magpakita ito ng galit sa mga agri-smugglers, pero dinedma lang ng presidente ang panawagan ng kanyang ateng senadora.


Maraming beses nanawagan si Sen. Imee na puksain ang mga agri-smugglers, dahil bukod noong Hulyo 25, 2022 ay nanawagan ang senadora kay P-BBM noong Agosto 14, 2022; Oktubre 20, 2022; Disyembre 1, 2022; Disyembre 26, 2022; Enero 17, 2023 na labanan mga smugglers, kaya lang, laging bingi ang pangulo sa panawagan ng kanyang ate.


Kaya kung isyung pagpuksa sa mga agri-smugglers ang pag-uusapan, sa dalawang Marcos, mas mainam pala na si Sen. Imee ang naging presidente, hindi si Bongbong, period!


◘◘◘


LAGOT KAY SEN. IMEE SI ‘MICHAEL MA’ NA BUSINESS PARTNER NG UTOL NG FIRST LADY—Ito pa ang matinding nagpagalit nang husto kay Sen. Imee nang mabulgar sa pagdinig sa Kongreso at kumalat sa social media na ang isa sa mga agri-smuggler na nagngangalang “Michael Ma” ay business partner raw ni Martin Araneta na utol ni First Lady Liza Araneta-Marcos, kaya nakapagsalita nang ganito ang senadora, “Nakakagalit, nakakabagabag at nakakalungkot ang walang tigil na smuggling sa mga produktong agrikultura, kaya dapat ituloy ang hearing (senate investigation), kahit sinuman ang tamaan, dapat walang sasantuhin ang gobyerno (Marcos administration).”


Sa tema ng statement na ito ni Sen. Imee, lagot si “Michael Ma” sa senadora kahit pa business partner siya ng utol ng First Lady, boom!


◘◘◘


SERBISYONG DSWD MARARAMDAMAN SA ILALIM NG PAMUMUNO NI SEC. REX GATCHALIAN—Hindi nagkamali si P-BBM sa pagtalaga kay Valenzuela City Congressman, former Mayor Rex Gatchalian bilang bagong kalihim ng DSWD (Department of Social Welfare and Development) dahil subok na sa pagiging lingkod-bayan nito, lalo na noong panahon ng pandemya ay ramdam ng mga taga-Valenzuela ang serbisyong hatid nito sa kanyang mga kababayan.


At ngayong siya na ang kalihim ng DSWD ay asahan nang ang serbisyong DSWD ay mararamdaman sa buong bansa sa ilalim ng pamumuno ni Sec. Rex Gatchalian, period!


◘◘◘


PARA HINDI MAKURAKOT O MALUGI, TANTANAN NA ANG MAHARLIKA INVESTMENT FUND—Majority ng Pinoy ay tutol sa Maharlika Investment Fund (MIF) na popondohan ng gobyerno ng P250 billion dahil baka raw matulad ito sa Malaysia Investment Fund na kinurakot lang, at lalong nadagdagan ang mga kumokontra sa MIF nang mag-viral sa social media na nalugi nang bilyon-bilyong dolyar ang Norway Sovereign Investment Fund.


At para matiyak na hindi makukurakot o malulugi ang MIF, dapat huwag nang ipilit at kalimutan na ng administrasyong Marcos ang Maharlika Investment Fund. Boom!


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page