top of page

Mga walang 'K', out sa gabinete!

  • BULGAR
  • May 26, 2022
  • 2 min read

ni Ka Ambo - @Bistado | May 26, 2022


UNTI-UNTI nang napupuno ang gabinete ni incoming President Bongbong Marcos.


Pinakahuling tinukoy ay si Cavite Rep. Boying Remulla bilang DOJ secretary.


◘◘◘


NAKATANGHOD pa rin ang mga tao kung sino ang maitatalaga sa Department of Energy (DOE).


Kasi naman ay naghihirap na ang tao dulot ng mataas na singil sa elektrisidad at presyo ng petrolyo.


◘◘◘


KAILANGAN may expertise ang sinumang ipupuwesto sa DOE dahil maselang departamento ito.


Naisisingit din dito ang pangalan ni Energy Regulatory Commission (ERC) Chief Agnes Devanadera.


◘◘◘


MARAMI agad ang umismid sa pangalan ni Devanadera dahil duda raw ang mga ekonomista sa kakayahan nito.


Kasi’y iginigiit nito na ibasura ang value added tax sa kuryente nang hindi na raw kailangan ang kaukulang batas.


◘◘◘


SA totoo lang, hindi maaaring alisin ang VAT kasi’y iyan mismo ay nakapaloob sa isang Republic Act at tanging pag-amyenda o repeal lamang ng panibagong batas ang puwedeng magtanggal nito.

Ayon kay House Committee on Ways and Means Chairperson Joey Salceda ng Albay, gawa ng Kongreso ang VAT, kaya Kongreso rin lang ang puwedeng magbasura o magrebisa sa Tax Law.


Malinaw 'yan.


◘◘◘


MALI rin aniya ang pag-unawa ni Atty. Devanadera sa usaping double taxation sa VAT na ipinapataw sa generation charge at distribution charge.


Kung pagbabasehan ang opinyon ni Salceda, mukhang hindi sapat ang kaalaman ng ERC Chief sa batas na may kaugnayan sa enerhiya.


◘◘◘


SA tingin natin, tulad ng anak ni ex-PGMA na si Rep. Mikey Arroyo, wala ring sapat na kakayahan si Devanadera.


Kaawa-awa ang mga konsyumers na patuloy na ginagatasan ng mga power producers at distributors.


◘◘◘


WALA ring malinaw na aksiyon at desisyon si Devanadera na papabor sa mga konsyumer kung pag-uusapan ang energy sector.


Sa totoo lang, kung nagre-refund ang Meralco, ibig sabihin, nakakalusot sa kanila ang illegal billing.


◘◘◘


MARAMING lider sa ibang bansa ang sunud-sunod na nagko-congrats kay BBM.

Pero, ereng mga maka-VP Leni kung ano-ano pa rin ang black propaganda.


Tapos na ang eleksyon, balintuwad pa rin silang nangangampanya.


◘◘◘


BUMIBILIB ang ibang bansa dahil sa maayos at malinis na eleksyon sa Pilipinas.


Pero, ang sumisira sa reputasyon ng ating bansa ay ang mga pusakal na anti-Marcos.


◘◘◘


HINDI na dapat pang sagutin ni Marcos ang black propaganda.


Mas makabubuti ay magpokus na ang susunod na administrasyon sa pagbangon muli ng ekonomiya.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page