Mga vloggers, nagkamal na ng kuwarta sa mga kurakot, ngayon sa mga gambling lords, buwisit!
- BULGAR
- Apr 17, 2023
- 2 min read
ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | April 17, 2023
SA NAPIPINTONG RICE PRICE HIKE, PATUNAY NA FAKE NEWS ANG SINABI NI P-BBM NA BABABA NA ANG PRESYO NG BIGAS—Inanunsyo ni Department of Agriculture (DA) Spokesman Rex Estoperez na tataas nang mula P5 hanggang P6 per kilo ang bigas sa mga susunod na linggo dahil tumaas daw ang presyo ng mga imported rice na inaangkat sa ibang bansa ng mga kapitalista.
Kumbaga, parang sinabi na rin ng DA spokesman na fake news ang inanunsyo ng kanyang among si President, Agriculture Sec. Bongbong Marcos noong Marso 16, 2023 na malapit na raw maging P20 per kilo ang bigas sa ‘Pinas. Boom!
◘◘◘
KUNG NAIS NI P-BBM NA BUMABA ANG PRESYO NG BIGAS, DAPAT SUPORTAHAN NIYA ANG MGA MAGSASAKA, IBALIK ANG NFA RICE AT I-REJECT ANG RICE TARIFF LAW NI EX-P-DUTERTE—May tatlong paraan kung nais ni P-BBM na mapababa ang presyo ng bigas per kilo.
Una, suportahan at bigyan ng todong ayuda ang mga magsasaka. Pangalawa, ibalik sa merkado ang National Food Authority (NFA) rice. Pangatlo, i-reject ang Rice Tariffication Law ni ex-P-Duterte dahil sa totoo lang, ito ang ‘pumatay’ sa hanapbuhay ng mga magsasaka at nagbigay ng kapangyarihan sa mga kapitalista na walang limit na mag-angkat ng bigas. Gayundin, ang mga ito ang naging sanhi ng walang humpay na pagtaas ng presyo ng bigas sa bansa.
Kapag ang tatlong bagay na ‘yan ay nagawa ni P-BBM, tiyak na bababa ang presyo ng bigas, period!
◘◘◘
MARAMING PINOY NA ANG NATATALO SA ONLINE GAMBLING, KAYA DAPAT AKSYUNAN NA ITO NG SENADO, KONGRESO, NBI AT PNP—Bukod sa online illegal gambling na ‘PhlWin’, may isa pang in-endorsong online gambling ang mga vloggerss at ito ay ang ‘PhiLucky.’
Dapat talagang panghimasukan at imbestigahan ito ng Senado, Kongreso, National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP) dahil maraming followers ng mga vloggers ang nabibiktima ng mga ganitong uri ng sugal sa social media. Akala kasi ng mga nahikayat na tumaya sa online gambling ay mananalo sila, pero sa huli, talo ang inabot nila. Tsk!
◘◘◘
MGA VLOGGERS, NAGKAMAL NA SA MGA KURAKOT NA PULITIKO, NAGKAMAL DIN SA MGA GAMBLING LORDS—Karamihan sa mga vloggers na nanghihikayat sa kanilang followers na magsugal sa ‘PhlWin’ at ‘PhiLucky’ ay sila ring mga kumita ng limpak-limpak na salapi sa pag-endorso sa mga kurakot na pulitikong kandidato last election, kung saan kapalit ng perang ibinayad sa kanila ay ang pagpapalabas na good ang mga ‘buwayang’ trapo (traditional politicians) na kanilang in-endorso.
At dahil tapos na ang eleksyon at wala na silang pinagkakakitaan, kapalit din ng perang ibinayad sa kanila ng mga gambling lords ang pag-endorso naman sa online illegal gambling ang ginagawa ng mga vloggers.
‘Yan ang mga vloggers na hinahangaan ng kanilang followers, mga mukhang pera na nagkamal ng kuwarta sa mga kurakot na pulitiko at gambling lords, period!





Comments