Mga ride sharing app driver, maaaring maging self-employed member ng SSS
- BULGAR
- 5 hours ago
- 3 min read
by Info @Buti na lang may SSS | August 13, 2025

Dear SSS,
Magandang araw. Ako ay driver ng ride sharing app dito. Batid ko sa araw-araw na aking pamamasada ay may kalakip itong panganib. Kaya nais kong malaman kung maaari nga rin ba akong makapaghulog sa SSS? Salamat. — Luigi, Quezon City
Mabuting araw sa iyo, Luigi!
Malugod naming ipinaaalam sa iyo na maaari kang maging miyembro ng SSS o ipagpatuloy ang iyong SSS membership bilang self-employed. Simula pa noong 1980 ay itinakda sa ilalim ng Republic Act 1161 o Social Security Act of 1957 ang pagsakop sa mga self-employed na indibidwal na may buwanang kita na P1,000 o higit pa mula sa kanyang sariling negosyo o propesyon na walang employer kung hindi ang kanyang sarili habang hindi pa siya umaabot ng 60 taong gulang.
Kabilang dito ang mga propesyonal tulad ng abogado o doktor, may sariling opisina man o wala, mga nagmamay-ari o magkasosyo sa negosyo, mga artista, direktor o manunulat ng pelikula na hindi itinuturing na empleyado, mga propesyonal na atleta, coaches, hinete at tagapagsanay, gayundin ang mga magsasaka at mangingisda na sinaklaw naman noong 1995. Kabilang din dito ang mga nagtitinda sa palengke, tricycle o jeepney drivers, at mga contractual at job order na empleyado na nagtatrabaho sa mga ahensya ng pamahalaan.
Sa kasalukuyan, ang SSS contribution rate ay 15% at ang monthly salary credit ay hanggang P35,000. Maaari mo namang ibatay ang halaga ng iyong magiging buwanang kontribusyon, Luigi sa monthly salary credit o ang salary level kung saan nakabase ang iyong buwanang kita na idineklara mo naman sa iyong registration form o SSS Form E-1 (Personal Record). Samantala, ang table ng SSS contributions ay makikita sa SSS website, www.sss.gov.ph o kaya’y sa Facebook page nito sa Philippine Social Security System. Dagdag dito, ang buwanang kontribusyon ng self-employed ay maaaring tumaas o bumaba batay sa iyong aktuwal na kinikita.
Ang pinakambababang buwanang kontribusyon para sa mga self-employed ay P760 na binubuo ng hulog sa regular na SSS (P750) at hulog sa Employee’s Compensation (EC) Program (P10). Samantalang, P5,280 ang pinakamataas na binubuo ng P3,000 para sa regular na SSS, P2,250 para sa Mandatory Provident Fund Program, at P30 para sa hulog mo sa EC Program.
Para sa iyong kaalaman, Luigi, ang EC Program ay para sa mga work-related contingencies bunsod ng pagkakasakit, pagkabalda, o kaya’y pagkamatay na maaaring mangyari sa self-employed na gaya mo habang nagtatrabaho. Dagdag proteksyon naman din ito bukod sa regular SSS benefits na matatanggap mo sa hinaharap.
Kung wala ka pang SS number, maaari ka na ring mag-apply sa pamamagitan ng online. Magtungo lamang sa SSS website at i-click ang link sa Apply for an SS Number.
Matapos nito, maaari ka ng magbayad ng iyong kontribusyon kada buwan o kaya ay quarterly. Para makapagbayad ka naman ng iyong kontribusyon, kailangan mo munang makakuha ng Payment Reference Number (PRN) para sa iyong gagawing pagbabayad. Maaari kang makapag-generate ng PRN gamit ang iyong My.SSS account.
***
Patuloy na tumatanggap ng aplikasyon ang SSS para sa bagong loan penalty condonation program nito. Inilunsad ang Consolidation of Past Due Short-Term Member Loans with Condonation of Penalty Program (Conso Loan) para tulungan ang mga miyembro na mayroong past-due loans sa SSS. Sa ilalim ng programa, hindi na sisingilin ang kaukulang penalties o multa ng kanilang past-due loans. Sa halip, ang tangi na lamang nilang babayaran ay ang orihinal o principal amount at interes nito.
Sakop ng ConsoLoan ang salary loan, calamity loan, Salary Loan Early Renewal Program (SLERP), emergency loan at restructured loans gaya ng Loan Restructuring Program (LRP) noong mga nakaraang taon.
Samantala, maaari nilang bayaran ang prinsipal at interes sa pamamagitan ng one-time full payment, o kaya’y bayaran kahit 10% nito bilang down payment at ang natitirang balanse ay babayaran ng installment sa loob ng hanggang 60 buwan o limang taon, depende sa halaga ng kanilang pagkakautang.
Upang makapagrehistro sa My.SSS, maaari kang magtungo sa SSS website (www.sss.gov.ph) at magparehistro sa Member portal. Kailangang punan mo ang lahat ng kinakailangang impormasyon. Tandaan na ang irerehistrong e-mail address ay kailangang aktibo at nagagamit pa dahil dito ipadadala ng SSS ang link para i-activate at magamit mo ang iyong My.SSS account.
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System - SSS” o sa X, ang dating Twitter, sa @PHLSSS. Maaari ring mag-subscribe sa YouTube channel sa “MYSSSPH”, at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates”. Maaari kayong magpadala ng inyong concerns at katanungan sa usssaptayo@sss.gov.ph.