top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Mga tsuper na mawawalan ng hanapbuhay sa jeepney phaseout, alalayan!

BULGAR
Oct 23, 2022
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | October 23, 2022


Matapos maantala dahil sa COVID-19 pandemic, muling isusulong at palalakasin ng Department of Transportation (DOTr) ang modernisasyon ng mga public utility vehicles (PUVs).


Matatandaang, nagsimula ito noong panahon ng administrasyong Duterte at layon ng programa na mapalitan ang mga lumang jeepneys ng mga modernong jeepney na gumagamit ng cashless payment system at mayroong GPS tracking device.


Ayon kay Transportation Secretary Jaime Bautista, ito ay mahalagang proyekto ng DOTr at nakikipagtulungan na umano sila sa ilang grupo na mayroon nang mga electric vehicles.


Gayundin, tiniyak ng kalihim na nakikipag-ugnayan na sila sa isang transport cooperative na nagnanais mag-angkat ng mga electric mini buses mula sa China at naghihintay lamang ito ng financing support mula sa Landbank at Development Bank of the Philippines.


Samanala, ayon sa DOTr, sa kasalukuyan ay mayroon nang 6,000 modernized jeepneys na nag-o-operate sa bansa.


Matatandaang, una nang tinutulan ng mga jeepney drivers ang naturang programa dahil mahal ang mga naturang modernized jeepneys.


Batid nating maganda ang layunin ng modernisasyon ng PUVs dahil layon din nitong mapaganda ang sistema ng pampublikong transportasyon. Pero bago ang lahat, pag-aralan din ang iba pang maaaring maging epekto nito.


Marahil, isa pang dahilan kaya tutol ang mga jeepney drivers ay dahil tuluyan silang mawawalan ng kabuhayan. At dahil pahirapang maghanap ng ibang pagkakakitaan, magiging tambay na lang ang ilan kahit pa gustuhing kumayod.


Dahil d’yan, hiling natin na sana’y magkaroon din ng programa ang gobyerno na makakatulong sa mga traditional jeepney drivers.


Sa tagal na pumasada ng mga tradisyunal na jeepney, milyun-milyong komyuter ang napagsilbihan at nakinabang. Kaya naman ‘wag natin kalimutan na ‘pag nagkaroon ng mga pagbabago sa sektor ng transportasyon, gobyerno dapat ang umaalalay sa kanilang hanay.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page