Mga tsuper at operator na nagprotesta, imbes na tulungan ay tinakot at ni-red tag pa, tsk!
- BULGAR
- Mar 8, 2023
- 2 min read
ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | March 8, 2023
IMBES NA TULUNGAN ANG MGA TSUPER AT OPERATOR NG JEEP, TINATAKOT PA NINA VP SARA AT LTFRB CHAIRMAN GUADIZ—Naglunsad ng tigil-pasada ang mga tsuper at operator ng traditional jeepney at UV express bilang protesta sa desisyon ng gobyerno na alisan sila ng hanapbuhay sa pamamagitan ng pagtanggal sa kanilang prangkisa sa Enero 2024, pero imbes na pakinggan ang kanilang hinaing, tinatakot pa sila ng pamahalaan.
Matapos kasing i-red-tag at akusahan ni Vice Pres. Sara Duterte-Carpio na komunista ang mga nagprotestang tsuper at operators, inanunsyo pa ni Land Transportation Franchise Regulatory Board (LTFRB) Chairman Teofilo Guadiz na mananagot at mapapaaga ang pagtanggal sa prangkisa ng traditional jeepneys at UV express operators na lumahok sa tigil-pasada. Tsk!
◘◘◘
SEN. ROBIN, MAS PINAKINGGAN NG MGA CONG. KAYSA SI P-BBM—Mismong si Pres. Bongbong Marcos (P-BBM) na ang nagsabi na hindi niya prayoridad ang Charter-Change (Chacha), na dapat ay pinakinggan ng mga kongresista. Pero nang magtungo si Sen. Robin Padilla sa Kongreso at hingin ang suporta ng mga Cong. sa isinusulong niyang Chacha, aba, ipinasa agad ito ng majority congressmen, kung saan sa botong 301-7-1, aprub agad ito sa Kongreso.
Tila mas ‘malakas’ o pinakikinggan ng majority congressmen si Sen. Robin kaysa kay P-BBM. Boom!
◘◘◘
PAGBABA NG INFLATION RATE, FAKE NEWS!— Isang uri ng panloloko sa publiko ang inanunsyo ng Philippine Statistics Authority (PSA) na mula sa 8.7% inflation rate noong January 2023 ay bumaba ito ng 1% dahil ang inflation rate daw noong Pebrero ay 8.6%.
Nasabi nating fake news ito dahil hindi naman bumaba ang presyo ng mga bilihin at bayarin. Sa halip, mas tumaas pa dahil inaprubahan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang dagdag-presyo sa sardinas, instant noodles, tinapay, asukal, kape, sabon atbp., at nagtaas din ng singil ang Meralco at electric cooperative sa mga lalawigan sa konsumo ng kuryente, tapos ang ibibida ng PSA ay bumaba raw nang 1% ang inflation rate sa ‘Pinas. Tsk!
◘◘◘
KUNG HINDI KAYA NI MAYOR MAGALONG NA IPA-STOP ANG RAKET NG MGA ILEGALISTA SA BAGUIO CITY, DAPAT HINGIN NA NIYA TULONG NG CIDG—Patuloy pa rin ang panraraket nina ‘Patrick’ na may illegal na ‘mini-casino’ sa Legarda Road at Bokawkan Road; at drop balls at color games nina ‘Edna’ at ‘Jimmy’ sa Magsaysay Road at ‘Nestor’ sa Kayang Hill Top, pawang sa Baguio City.
Kung hindi kaya nina Mayor Benjamin Magalong na ipa-stop ang mga raket na ito, dapat ay hingin na nila ang tulong ni Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Director, Gen. Romeo Caramat para pagto-tokhangin na ang mga ilegalistang ito sa Baguio City, period!





Comments