top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Mga tsuper at operator, bahagyang makakahinga

BULGAR
Nov 28, 2022
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | November 28, 2022


Halos P4 ang mababawas sa presyo ng produktong petrolyo ngayong linggo.


Ayon sa mga kumpanya ng langis, dahil sa presyuhan sa nakaraang mga araw, mula Nobyembre 21 hanggang Nobyembre 24, bababa ang presyo ng diesel kada litro nang may P3.70 hanggang P3.90. Ang presyo naman ng gasoline ay bababa nang P1.10 hanggang P1.30 kada litro, habang ang kerosene ay P2.20-P2.40 kada litro.


Gayunman, nilinaw ni Asst. Director Rodela Romero ng Department of Energy-Oil Industry Management Bureau (DOE-OIMB) na base sa four-day oil trading ay magkakaroon ng rollback sa lahat ng produktong petrolyo.


Samantala, inaasahang ipatutupad ang rollback bukas, Martes.


Good news ang bigtime rollback para sa mga jeepney driver dahil nangangahulugan ito ng bahagyang dagdag-kita.


Sa totoo lang, marami sa kanila ang pumapasada nang lagpas 15-oras kada araw at sa kabila ng mahabang oras sa kalsada, hindi lalagpas ng P500 ang kanilang kita. Nabawasan na rin ang mga pumapasadang drayber dahil maraming napilitang huminto sa pagbiyahe dahil hindi na kinaya ang taas-singil sa langis.


Kaya kung tataas pa ang presyo ng petrolyo, pahirapan na ang pagkita, mababawasan pa ang mga bumabiyaheng pampublikong sasakyan.


Habang batid nating maraming ikinukonsidera bago makapag-rollback, umaasa tayong ginagawa ng mga kinauukulan ang lahat para mabawasan ang pasanin ng ating mga tsuper.


Kung tutuusin, barya lamang ang ibababa ng presyo ng petrolyo, pero malaking bagay ito para sa hanay ng mga tsuper at operator.


Sana’y magtuluy-tuloy pa ang pagbaba ng presyo ng petrolyo dahil maituturing itong pamasko sa mga tsuper na todo-kayod.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page