Mga trapong may Confidential at Pork Barrel Funds, parang mga nagsitama ng jackpot sa lotto
ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | July 12, 2023
AGRABYADO ANG MAMAMAYAN KASI ANG INUTANG NA PANG-CONFIDENTIAL AT PORK BARREL FUNDS NG MGA TRAPO, TAUMBAYAN ANG NAGBABAYAD -- Sa Pilipinas ay agrabyado ang mamamayan sa mga traditional politicians o trapo.
Nasabi natin ito kasi umuutang lagi ang pamahalaan para mabigyan ng pagkalaki-laking confidential funds ang presidente at bise presidente, at pork barrel funds naman sa mga senador at kongresista. Pero pagdating sa serbisyong pang-mamamayan, kakarampot lang ang inilalaang budget.
Ang masaklap, sa pagbabayad ng utang, pati ang confidential at pork barrel funds na napupunta sa presidente, bise president, at mga senador at congressman ay taumbayan ang nagbabayad, tsk!
◘◘◘
PARANG LAGING TUMATAMA NG JACKPOT SA LOTTO ANG MGA TRAPONG MAY CONFIDENTIAL AT PORK BARREL FUNDS -- Sa Pilipinas ay parang laging tumatama sa lotto ang mga trapong may confidential at pork barrel funds.
Ginagasta kasi ng mga trapo ang kanilang bilyun-bilyong piso at hundreds of millions of pesos confidential funds nang walang kaakibat na resibo. At ang mga trapo na may pork barrel funds naman, bukod sa may komisyon o porsyento na sila, ay sila pa ang kontraktor at supplier sa kanilang mga pork barrel projects.
Ganyan ang mga trapo sa ‘Pinas, jackpot sa kaban ng bayan, boom!
◘◘◘
MAYOR GATCHALIAN MAY ‘BALLS’ BANGGAIN ANG MGA GAMBLING LORDS, PERO SINA MAYOR MALAPITAN, MAYOR SANDOVAL AT MAYOR TIANGCO, ‘NGANGA’ -- Ipinagbawal na ni Mayor Wes Gatchalian ang lahat ng uri ng mga pasugalan sa Valenzuela City.
Buti pa si Mayor Gatchalian, may “balls” na banggain ang mga gambling lords sa Valenzuela City, pero sina Caloocan City Mayor Along Malapitan, Malabon City Mayor Jeannie Sandoval at Navotas City Mayor Toby Tiangco, ay mga “nganga” lang sa mga nangraraket ng STL (small-town lottery)-con jueteng, lotteng, bookies at EZ2 sa kanilang mga nasasakupan, period!
◘◘◘
3 GOVERNOR ‘NGANGA’ SA MGA ILEGALISTANG NANGRARAKET SA KANILANG MGA NASASAKUPAN -- Illegal ang “perya ng bayan-con jueteng,” pero hanggang ngayon ay patuloy pa ring nag-o-operate ang ganitong uri ng sugal nina “Fajardo,” “Mat” at “Chito” sa Pangasinan, at nina “John Yap” at “Reden” sa Cavite at Rizal.
Ibig sabihin niyan, “nganga” ang tatlong governor na sina Pangasinan Gov. Ramon Guico, Cavite Gov. Jonvic Remulla at Rizal Gov. Nina Ricci Ynares sa mga ilegalistang nangraraket sa kanilang mga kababayan, boom!





Comments