- BULGAR
Mga trapong kurakot wa’ “K” na tawaging honorable
ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | September 21, 2023
PARA MAPUKSA ANG MGA SINDIKATO, TAMBAKAN NG CONFI FUNDS ANG MGA LAW ENFORCEMENT AGENCY -- Sa datos ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) ay pangalawa ang Pilipinas sa mga bansa sa mundo na may pinakamaraming kaso ng “online child sexual abuse.”
Dapat talaga huwag nang bigyan ng confidential funds ang mga departamento ng gobyerno na ang namumuno ay mga trapo (traditional politicians), at ang mainam na gawin ay tambakan ng confidential at intelligence funds ang mga law enforcement agency para magtulung-tulong na mapuksa ang mga sindikatong nasa likod ng “online child sexual abuse”, period!
◘◘◘
SUSUNOD KAYA SA FISHING BAN NI P-BBM ANG MGA MANGINGISDANG CHINESE SA WPS? -- Plano raw ni Pres. Bongbong Marcos (P-BBM) na magpatupad ng fishing ban sa dagat na sakop ng Pilipinas para raw sa darating na panahon ay mas dumami ang mga isda sa West Philippine Sea (WPS).
Eh, ang tanong, sumunod naman kaya sa utos ni P-BBM ang mga mangingisdang Chinese na nangingisda sa West PH Sea? Boom!
◘◘◘
KUNG SINUMAN ANG NAGPAYO KAY P-BBM NA MAGPAIRAL NG FISHING BAN, SABLAY ‘YAN! -- Kung sino man ang nag-advise kay P-BBM na magpairal ng fishing ban sa dagat na sakop ng Pilipinas ay sablay ‘yan.
Una, tiyak magagalit ang mga mangingisdang Pinoy kay P-BBM dahil maituturing itong “pagpatay” sa kanilang hanapbuhay, at pangalawa, unfair ito sa ating mga mangingisda kasi tiyak naman na ang fishing ban ng Philippine president ay hindi susundin ng mga mangingisdang Chinese, na kapag nangisda sa West PH Sea ay may back-up na Chinese Coast Guard (CCG), period!
◘◘◘
KATAWAGANG ‘HONORABOL’ SA MGA KAWATANG TRAPO TANGGALIN NA!--Muling bumanat si Baguio City Benjamin Magalong sa mga kurakot na pulitiko.
Ayon sa kanya, kapag ordinary thief daw ang nagnakaw ay galit na galit dito ang tao, pero kapag mga political thief na ang nagnakaw sa kaban ng bayan ay tinatawag pa rin na honorable.
Kulang na lang sabihin ni Mayor Magalong na alisin na ang katawagang honorable sa mga pulitikong may puwesto sa pamahalaan, kasi sa totoo lang, masagwa sa pandinig na ang trapo na nagnanakaw sa kaban ng bayan ay tinatawag pang honorabol o marangal, boom!