top of page
Search
  • BULGAR

Mga trapo, tutok sa confi at pork barrel funds, dedma sa ayuda sa mga tsuper

ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | August 10, 2023


DAGDAG P4 PER KILO NG BIGAS DAGDAG PAHIRAP SA MAHIHIRAP NA MAMAMAYAN -- Inanunsyo ni Philippine Chamber of Agriculture and Food Inc. (PCAFI) President Danilo Fausto na dahil sa mataas na presyo ng imported rice na inaangkat nila sa Vietnam ay maoobliga raw ang mga rice importer sa bansa na magdagdag ng P4 per kilo sa presyo ng bigas.


‘Yan ang totoo, hindi fake news ang taas-presyo sa bigas na dagdag-pahirap sa mga mahihirap na mamamayan, at ang fake news ay ‘yung ibinida ni Pres. Bongbong Marcos (P-BBM) sa kanyang State of the Nation Address (SONA) last July 24, 2023 na mura na raw ang presyo ng bigas sa ‘Pinas, boom!


◘◘◘


MAS PRAYORIDAD NG MGA TRAPO ANG MATATANGGAP NILANG CONFIDENTIAL AT PORK BARREL FUNDS KAYSA IBIGAY ANG AYUDA SA MGA TSUPER -- Tumaas na naman ang presyo ng mga produktong petrolyo, at dahil d’yan ay nanawagan ang mga jeepney driver na ibigay na ang ayudang nakalaan sa kanila, na dapat sana ay nang kasagsagan pa ng COVID-19 pandemic noong year 2020 naibigay, pero hindi ipinamigay sa kanila ng nakaraang Duterte administration, at maging ngayong Marcos admin ay dinededma lang ang panawagan nilang ito.


Ang masaklap kasi sa nangyari sa nakaraang Duterte admin at sa kasalukuyang Marcos admin, mas binibigyan ng prayoridad ng mga trapo ang matatanggap nilang confidential at pork barrel funds sa kada yearly national budget deliberation, at dedma lang sa sigaw na ayuda ng mga tsuper, tsk!


◘◘◘


DAPAT LAKIHAN ANG BUDGET NG MILITAR AT HINDI ANG CONFIDENTIAL AT PORK BARREL FUNDS NG MGA TRAPO -- Kapag nagsalita ang mga trapo tungkol sa pambu-bully at harassment ng Chinese Coast Guard (CCG) sa tropa ng Philippine Coast Guard (PCG) at mga mangingisdang Pinoy sa West Philippine Sea (WPS) ay akala mo totoong may malasakit sila sa bayan natin at sa mga kababayan natin.


Pero sa budget deliberation, imbes lakihan ang pondong pang-militar ng Pilipinas para maprotektahan ang WPS, tropa ng pamahalaan at mga mangingisdang Pinoy, eh ang nilalakihan ng mga trapo ay ang matatanggap nilang confidential at pork barrel funds, mga pwe!


◘◘◘


GOV. NINA YNARES AT COL. BACCAY “NGANGA” SA MGA MANGRARAKET NA GAMBLING LORDS SA RIZAL PROVINCE -- Patuloy na namamayagpag ang raket na "perya ng bayan-con jueteng" nina "John Yap," "Renen" at "Manalang," at STL (Small-Town Lottery)-con jueteng nina "Kits" at "Egay" sa Rizal province.


Dahil tuloy ang kanilang raket, ibig sabihin n’yan ay "nganga" lang sina Rizal Gov. Nina Ynares at Rizal Police Director, Col. Dominic Baccay sa mga mangraraket na gambling lords sa kanilang nasasakupan, boom!


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page