Mga trapo sa ‘Pinas, todo-post ng marangyang pamumuhay, kapalmuks!
- BULGAR
- Apr 30, 2023
- 2 min read
ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | April 30, 2023
LUMALA ANG KALAKARAN NG DROGA SA ‘PINAS SA PANAHON NG DUTERTE ADMIN—Fake news ang ipinangangalandakan ng mga senador at kongresistang nagtatanggol kay ex-P-Duterte tungkol sa kaso nitong crimes against humanity sa International Criminal Court (ICC) at kaya raw nila dinedepensahan ang dating Presidente ay dahil ito lang daw ang pangulong nagsawata ng illegal drugs sa Pilipinas.
Sa totoo lang, lumala ang kalakaran ng droga sa Pilipinas mula nang maging Pangulo si ex-P-Duterte.
Noong hindi pa kasi presidente si Digong, daan-daang kilo lang ng shabu ang naipupuslit sa bansa, pero nang maging Pangulo siya ay tone-tonelada na ang drogang pumapasok sa Pilipinas.
Patunay d’yan ‘yung tone-toneladang shabu na naipasok sa bansa nang manungkulan bilang Customs commissioner sina ex-Marines Capt. Nicanor Faeldon ret Gen. Isidro Lapena, boom!
◘◘◘
PROBLEMANG DROGA SA PANAHON NG DUTERTE ADMIN, UMABOT SA PANAHON NG MARCOS ADMIN—Ang lumalang problema sa kalakaran ng droga sa Pilipinas sa ilalim ng Duterte administration ay umabot pa sa Marcos administration, at patunay d’yan ‘yung nakumpiskang 990 kilo ng shabu sa lending company ni M/Sgt. Rodolfo Mayo.
Ang masaklap pa ngayon, garapalan na ang pagre-recycle ng mga parak sa kumpiskadong shabu dahil kitang-kita sa video na isinapubliko ni Sec. Benhur Abalos ng Department of the Interior and Local Government (DILG) kung paano pinagparte-partehan ng mga pulis ang mga shabu na nakumpiska kay M/Sgt. Mayo, kung saan may mga shabu na ikinakarga sa motorsiklo at may mga shabu na ikinakarga sa kotse at van, mga buset!
◘◘◘
KUNG NAIS NI P-BBM NA MATIGIL ANG PUSLITAN NG SHABU SA ADWANA, IPA-LIFESTYLE CHECK NIYA ANG MGA TAGA-CUSTOMS—Ang mga shabu na naipupuslit sa Customs ay galing sa China.
Kung nais ni Pres. Bongbong Marcos (P-BBM) na matigil ang puslitan ng shabu sa Customs, ang dapat niyang gawin ay ipa-lifestyle check ang mga Customs officials, at ang sinumang taga-Customs na ubod ng yaman ay sibakin niya sa puwesto. At pagkatapos ay magtalaga siya sa Adwana ng opisyal na walang bahid ng korupsyon.
Kapag nagawa ‘yan ni P-BBM, tiyak wala nang makakapag-ismagel ng shabu sa ‘Pinas, period!
◘◘◘
SA IBANG BANSA, NAHIHIYA ANG MGA PUBLIC OFFICIALS NA IPAKITANG MARANGYA ANG KANILANG PAMUMUHAY, PERO SA ‘PINAS, KAPALMUKS ANG MGA TRAPO—May mga public officials sa ibang bansa na nahihiyang ipakita sa publiko na marangya ang kanilang pamumuhay, pero sa Pilipinas, may mga pulitiko na walang hiya dahil ipino-post pa sa social media ang magarbo nilang pamumuhay.
May mga gumagasta gamit ang pera ng bayan para magpa-konsyerto, may mga ipinagyayabang ang bagong bili nilang sasakyan, at may mga naglalamyerda sa Amerika at Europe.
Ganyan ang karamihan ng mga pulitiko sa ‘Pinas, kapalmuks, palibhasa ay mga trapo (traditional politicians), mga pwe!





Comments