Mga trapo na kurakot, after ng Holy Week, balik-kurakutan na naman, buwisit!
- BULGAR
- Apr 10, 2023
- 2 min read
ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | April 10, 2023
TAPOS NA ANG HOLY WEEK, KAYA ANG MGA TRAPO, BALIK NA SA PAGGAWA NG KASALANAN, MANGUNGURAKOT NA NAMAN—Tapos na ang Holy Week, at isa sa tradisyon sa panahon ng Semana Santa ay ang paghingi ng kapatawaran sa Panginoon sa mga nagagawa nating kasalanan.
Eh, ang tanong, sa panahon ng Semana Santa, ang mga kurakot na trapo o traditional politicians ba ay humihingi rin ng kapatawaran sa Panginoon sa ginagawa nilang pandarambong o pang-i-scam sa kaban ng bayan?
Kung hindi humihingi ng kapatawaran sa Panginoon ang mga trapo, kampon talaga sila ni Satanas. Pero kung humingi man sila ng kapatawaran, hindi ‘yun bukal sa kalooban dahil tiyak na ngayong tapos na ang Holy Week, balik na sila sa pangungurakot sa kaban ng bayan. Tsk!
◘◘◘
HINDI YATA NAIINTINDIHAN NI SEN. PADILLA ANG KAHULUGAN NG SOBERANYA—Isa si Sen. Robin Padilla sa madalas ngumakngak laban sa International Criminal Court (ICC) tungkol sa kasong crimes against humanity ni ex-P-Duterte. At ang laging litanya ng action star-turned politician ay irespeto raw ng ICC ang soberanya ng Pilipinas.
Ang tanong, naiintindihan ba ni Sen. Padilla ang salitang ‘soberanya?’
Ang soberanya kasi ay tungkol sa kalayaan ng isang estado na pangalagaan ang mga panloob na interes ng bansa, tapos sa mga interview ng media, palaging sinasabi ni Sen. Padilla na kaya raw niya isinusulong ang Charter Change (Chacha) para baguhin ang nilalaman ng Saligang Batas upang ang mga dayuhang kapitalista ay magkaroon ng 100% ownership sa mga lupang pagtatayuan ng kanilang mga negosyo sa ‘Pinas. Boom!
◘◘◘
AMBASSADOR NG MARCOS ADMIN, MAY ‘BALLS’, PERO ANG MGA AMBASSADOR NG DUTERTE ADMIN, TIKLOP SA CHINA—Sinupalpal ni Philippine Ambassador to the United States (US) Jose Manuel Romualdez ang China tungkol sa pagkuwestyon sa Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sa pagitan ng Pilipinas at Amerika. Ayon sa Philippine Ambassador, ang dapat tanungin ng Chinese officials ay ang mga sarili nila, kung bakit ang Chinese Coast Guard (CCG) ay pumapasok sa teritoryo ng Pilipinas.
‘Yan ang ambasador ng ‘Pinas sa panahon ng Marcos administration, may ‘balls’ na supalpalin ang China, ‘di tulad ng mga naging ambassador sa panahon ng Duterte admin na tiklop sa China, period!
◘◘◘
PSA, NAMPI-FAKE NEWS SA ISYU NG INFLATION RATE NG ‘PINAS—Bago matapos ang 2022, ang inflation rate ng Pilipinas ay nasa 8.1%. Pagpasok ng Enero 2023, pumalo ito sa 8.7% at dahil nabatikos ang gobyerno sa patuloy na pagsipa ng inflation rate, at para masabing gumagawa ng aksyon ang pamahalaan para mapababa ang presyo ng mga bilihin at bayarin.
Nitong Pebrero 2023, inanunsyo ng Philippine Statistic Authority (PSA) na nabawasan ng 1% ang inflation rate, kung saan 8.6% na lang daw ito. At noong Marso lamang, ang daming Pinoy na napataas ng kilay nang inanunsyo ulit ng PSA na nasa 7.6% na lang ang inflation rate sa bansa.
Mapapataas talaga ng kilay ang mamamayan kasi mantakin n’yo, hindi naman bumaba ang presyo ng mga bilihin at bayarin, at sa halip ay patuloy pang tumataas, tapos magpi-fake news ang PSA na kesyo 7.6% na lang daw ngayon ang inflation rate sa bansa. Buset!





Comments