Mga tiwali sa kapulisan, dapat nang tuluyan
ni Ryan Sison @Boses | Pebrero 6, 2023
Sasampahan ng kasong administratibo at posibleng masibak sa serbisyo ang nahuling mga pasaway na pulis matapos na mabatid na gumagamit ang mga ito ng mga sasakyang walang plaka, kumpiskado, improvised plate at ebidensiya sa mga kaso, sa ikinasang lockdown sa mga kampo ng Philippine National Police (PNP) sa buong bansa.
Ito ang naging pahayag ni PNP-Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) chief Brig. Gen. Warren de Leon katuwang ang Highway Patrol Group (HPG), nang simulan ng pinagsanib na operatiba ang inventory at camp lockdowns sa mga kampo ng pulisya upang matukoy ang mga abusadong pulis na lumalabag sa batas at gumagamit pa ng mga sasakyan na ebidensiya sa krimen.
Binanggit ng opisyal na aabot sa 2,213 na mga sasakyan at motorsiklo ang kanilang nainspeksiyon sa mga kampo ng PNP sa Luzon, Visayas, at Mindanao mula Enero 27 hanggang 31, kung saan aniya, 16 mula sa mga nahuling 36 violator ay mga pulis.
Ayon kay De Leon, lumabas na ilang mga pulis ang gumagamit ng walang plaka, paso ang registration o unregistered, narekober, impounded at carnap o nakaw na mga sasakyan at motorsiklo. Aniya, layon nilang mahuli ang mga tiwaling pulis na bahagi ng kanilang pagsisikap na mapaigting ang internal cleansing sa kanilang hanay.
Kinikilalang mga alagad at tagapagpatupad ng batas, ang tungkuling ginagawa ng kapulisan.
Tanong ng karamihan, bakit sa simpleng mga panuntunan at itinatakdang mga batas na dapat sundin ay sila pa mismo ang sumusuway at lumalabag dito?
Aminado naman tayong mga ordinaryong mamamayan na walang perpekto sa mundo. May mga pagkakamali at paglabag ding nagagawa.
Subalit, kung magpapatuloy ang ganitong gawain sa hanay ng kanilang organisasyon, magreresulta lamang ito sa kawalan ng tiwala ng mamamayan sa mga awtoridad.
Panawagan natin sa kinauukulan, maging mabuting ehemplo sana kayo sa mga kababayan sa salita at sa gawa.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.co





Comments