Mga titser, umaray sa mas mahabang school year

@Editorial | February 20, 2021
Pumalag ang mga guro sa hirit na pagpapalawig ng kasalukuyang school year.
Sobra-sobra na umano ang pagod at sakripisyo ng mga guro sa pagpapatupad ng blended learning system.
Anila, kapag natuloy ang plano, 13 buwan na tuluy-tuloy na magtatrabaho ang mga guro nang wala man lang vacation o sick leaves kumpara sa dating 10 buwan lang na pagtuturo.
Sinasabing bumigat pa lalo ang pasanin ng mga guro sa distant learning system, dahil bago ang sistema at mas maraming hamon para maitawid ang edukasyon sa mga mag-aaral. Mula sa paggawa ng modules hanggang sa pagsasagawa ng online classes.
Dagdag pa ang pagsagot at pagpapaliwanag sa mga magulang sa sistema ng pag-aaral ngayon. Kung saan, may mga magulang na nagrereklamo na tila hirap umanong matuto ang kanilang mga anak.
Sana ay maunawaan din natin ang pinagdaraanan ng mga guro. Sila man ay naninibago rin sa takbo ng pagtuturo ngayong may pandemya. Maraming limitasyon at problema na kailangan nilang harapin araw-araw.
Kung tayong mga mag-aaral at magulang ay naninibago sa modules, naiinis sa palpak na internet connection, naguguluhan sa mga istorbo sa pag-aaral, ganundin sila.
Bukod sa pang-unawa ay pakinggan din sana natin sila. Alamin at pag-aralan ang kanilang mga pangangailangan, na kung kaya ay ibigay na natin. Para naman sa pagbabalik ng face-to-face classes, sila pa rin ang mga guro na pinaghuhugutan natin ng inspirasyon sa pagkatuto at sa buhay.



Comments