Mga titser, target ng car loan scam
ni Ryan Sison @Boses | October 08, 2023
Babala sa publiko, partikular na ang mga guro na nagnanais na magkaroon ng sariling sasakyan dahil sa napapabalitang tinatarget ngayon ng car loan scam.
Ito ang naging pahayag ng Department of Education (DepEd) matapos matuklasan na nasa 29 guro ang nabiktima at nagsampa na rin ng kaso laban sa mga nasa likod ng Labas/Casa/Assume Balance/ Loan Accommodation scheme na pinaniniwalaang nagsimula sa Pampanga.
Batay sa imbestigasyon, ang modus ng grupo ay eengganyuhin ang mga guro na mag-apply ng car loan kapalit ng tiyak na halaga o cash at downpayment para sa unit.
Gayundin, papangakuan umano ang mga guro ng passive income sa isang transport network vehicle service (TNVS) bilang insentibo kung naaprubahan na ang loan.
Pero, kapag nakuha na umano ang mortgaged cars ay maglalaho na ang mga suspek at maiiwan ang guro na siyang magbabayad ng sasakyan.
Tiniyak naman ng DepEd na nakikipag-ugnayan na sila sa mga awtoridad upang mahuli ang mga indibidwal na nasa likod nito at matulungan ang mga guro.
Ayon pa sa ahensya, isasailalim din nila ang mga biktimang guro sa debriefing, counseling, at psychological first aid.
Kaawa-awa ang ating mga guro na mabibiktima ng ganitong klase ng panloloko.
Ang perang pinagpaguran at pinag-ipunan mula sa pagtuturo ay makukuha lamang ng ganoon kabilis ng mga scammer.
Paalala natin sa kanila na maging mas vigilante laban sa anumang financial scams. Marami na kasi ang nagkalat na kawatan at talagang wala na silang sinasanto na kahit sino pa, basta makapanlamang sa kapwa at agad na kumita.
Huwag din sanang basta papasok sa mga transaksyon na may hinihinging pera o anumang halaga. At sakali mang hindi maiwasan na mabiktima ay magsumbong agad sa kinauukulan upang mabilis nila itong maaksyunan. Higit sa lahat, palagi tayong mag-ingat para hindi mabiktima.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments