Mga titser, ready na ba sa SY 2022-2023?
ni Ryan Sison - @Boses | July 12, 2022
Upang mabigyan ng sapat na panahon para makapagpahinga ang mga guro, hinihiling ng isang grupo sa Department of Education (DepEd) na iurong ang pagbubukas ng susunod na school year.
Nakatakdang magbukas sa Agosto 22 ang SY 2022-2023, ngunit hinihiling ng grupo na buksan ito sa kalagitnaan ng Setyembre o Oktubre.
Paliwanag ng grupo, bagama’t tapos na ang mga klase, tambak pa rin ang trabaho ng mga guro, kaya mabibitin ang dapat sana’y dalawang buwang bakasyon nila. Kasama umano ang in-service training, enrollment activities at pagsasagawa ng mga remedial at enrichment class.
Samantala, wala pang inilalabas na official school calendar ang DepEd para sa SY 2022-2023, gayundin, hindi pa sila nagbibigay ng reaksyon sa hiling ng grupo. Habang umaasa naman ang grupo na pakikinggan sila ng bagong DepEd secretary.
Batid nating handa ang mga paaralan, gayundin ang mga estudyante at magulang.
Pero ang tanong, kumusta sina Ma’am at Sir, handa na ba sila? May sapat na bang lakas at enerhiya para araw-araw na harapin ang mga estudyante at trabaho?
Ilan lang ‘yan sa mga tanong bago tuluyang buksan ang bagong school year.
Naniniwala tayong mahalaga na maitaguyod ang edukasyon sa kabila ng pakikipaglaban natin sa pandemya, pero ‘wag nating kalimutan na mahalaga ring matiyak ang kahandaan ng mga guro na makapagtrabaho.
Tutal, may kaunting panahon pa naman, pakiusap natin sa mga kinauukulan na pag-aralan kung uubra ang hiling ng mga guro, lalo pa’t kailangan ding paghandaan ang pagbabalik ng face-to-face classes pagdating ng Nobyembre.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.co





Comments