Mga titser, protektahan laban sa trauma, mental at emotional fatigue
ni Ryan Sison @Boses | June 3, 2023
Ang mga guro, bagama’t madalas na nakikita bilang mga bayani dahil sa kanilang walang katumbas na kontribusyon sa buhay at kapakanan ng mga kabataan, ay maaari ring maging biktima.
Ayon kay Senador Mark Villar nang ihain niya ang Senate Bill No. 2258, na kilala bilang "The Teacher Mental Health and Wellness Act of 2023”, maaari rin silang makaranas ng trauma, mental at emotional fatigue na karaniwan nilang itinatago sa kanilang sarili, na posibleng makapinsala sa kanilang mental health.
Aniya, layunin ng kanyang panukalang batas na palakasin ang promosyon at paghahatid ng mga serbisyo sa mental health para sa mga guro.
Binanggit din niya ang kakulangan ng tulong mula sa mga katrabaho at suporta mula sa administrasyon sa pagkilala sa mental health ng guro, na lalong mas mahirap para sa kanila na humingi ng tulong at mapagaan ang kanilang mga paghihirap.
Iminungkahi noon ng senador sa panukalang batas na ang Department of Education (DepEd), sa pakikipag-ugnayan sa Department of Health at Philippine Mental Health Association, ay dapat magtatag at magsulong ng mga sumusunod na programa at serbisyo para sa kapakanan ng mga guro.
Tulad na lamang ng regular na assessment sa mental health ng mga guro tuwing school semester, na isinasagawa ng mga rehistrado at lisensyadong psychologist o mga kaugnay na propesyonal, mga regular na counseling sessions para sa mga guro, na nakatuon sa stress management, emotional stability, at mga coping mechanism.
Mga programang pampababa ng stress, tulad ng mga workshop na nagtuturo ng mindfulness, meditation, relaxation techniques, time management, atbp.
Ang iminungkahing panukala ay inaatasan din ang mga kinauukulang ahensya sa yearly monitoring at evaluation sa nasabing mga programa at serbisyo para sa mga guro.
Napakagandang panukala ito kung sakaling maisabatas, dahil kilala natin ang mga guro na mas inuuna ang kapakanan ng kanilang mga estudyante ngunit minsan ay nakakalimutan na ang kanilang sarili.
Huwag nating kalimutan ang lahat ng mga paghihirap at sakripisyo na ibinigay nila para sa mga mag-aaral, at ibigay natin ang buong suporta at mga pangangailangan na nararapat para sa kanila.
Saludo ang inyong lingkod sa lahat ng mga guro dahil isa kayo sa itinuturing na bayani sa ating bansa.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments