top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Mga titser at kinauukulan, dapat katuwang vs. bullying

  • BULGAR
  • Nov 8, 2022
  • 2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | November 8, 2022


Kasabay ng pagdiriwang ng National Children’s Month (NCM) ngayong Nobyembre, ilulunsad ng Department of Education (DepEd) ang kampanya laban sa pambu-bully.


Pangungunahan ng Child Protection Unit (CPU) ang kampanya na may temang #Kasama Ka: BaLiK-Aral (Boses, Lakas ng Kabataan at Komunidad sa Balik-Aral). Pagtutuunan ng nasabing kampanya ang tatlong core aspects— KasamaAko (Adbokasiya Para sa Sarili), KasamaKayo (Adbokasiya para sa Kapwa), at KasamaTayo (Adbokasiya Tungo sa Pagbabago).


Titiyakin din ng anti-bullying advocacy ang pakinabang ng child protection committees (CPC), hikayatin ang mga eskwelahan na bumuo ng kanilang mga lokal na patakaran para sa proteksyon ng mga bata.


Sa pamamagitan ng adbokasiya, umaasa ang DepEd na mabibigyang-inspirasyon ang mga miyembro ng CPC at ang mga guro na malaman ang Child Protection Policy at ang kanilang tungkulin bilang mga tagapag-alaga at katuwang tungo sa pag-unlad nito.


Samantala, layunin din ng programa na iangat ang moral at motibasyon ng mga guro, pakilusin ang suporta ng komunidad para sa edukasyon at isulong ang learner empowerment at youth participation sa pagtataguyod para sa kanilang mga karapatan at proteksyon.


Magandang balita na may plano ang mga kinauukulan para sa usaping ito.


Matatandaang, kabilang ang bullying sa malaking problema sa mga paaralan, kaya dapat lamang na magkaroon ng mga tao o komite na tututok dito.


Gayunman, hangad nating hindi lamang para sa NCM ang kampanya kontra bullying. Kumbaga, dapat sa lahat ng pagkakataon ay aktibo tayong kumikilos para matigil ang pambu-bully.


Batid natin na isang hakbang para mapigilan ang bullying ay ang pagpapaunawa sa mga bata kung bakit hindi ito dapat gawin. Gayundin, sana’y talakayin at maintindihan nila ang epekto nito sa kanilang kapwa estudyante.


Malaki ang papel ng mga guro sa usaping ito at naniniwala tayong kaya nila itong gampanan sa tulong na rin ng komite.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page