top of page
WINNER - MAGULANG NI VINCENT, GALIT NA GALIT NA ITINAGO SA KANILA ANG KASAL KAY BEA-FB Nan

Mga tatamad-tamad sa DSWD, matatapos na ang maliligayang araw

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 22, 2023
  • 2 min read

ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | September 22, 2023


HIRAP SI CONG. STELLA QUIMBO NA ITAMA ANG MALI KAYA KANDAUTAL SA PAGDEPENSA SA CONFI FUNDS NG MGA TRAPO -- Bukod sa pinuputakti nang batikos, ay pinagtatawanan pa ngayon sa social media si Marikina City Rep. Stella Quimbo dahil napanood sa telebisyon na sa kada tanong sa kanya ni ACT Teacher Rep. France Castro ay nagkakanda-utal at nanginginig siya sa pagtatanggol sa confidential funds ng mga trapo (traditional politicians).


Sa totoo lang, mauutal at manginginig talaga si Cong. Stella sa pagdepensa sa paggasta sa confidential funds ng mga trapo kasi mahirap talagang itama ang mali o ang mali ay itama, boom!


◘◘◘


DATI PRESIDENTE AT MGA AHENSYANG MAY MANDATO SA LAW ENFORCEMENT AT NATIONAL SECURITY ANG MAY ‘CONFIDENTIAL FUNDS’ NGAYON, PATI MGA TRAPO NANGHIHINGI NG ‘CONFI FUNDS’ -- Sabi ni Manila 6th District Rep. Benny Abante ay nagtataka raw siya kung bakit mainit na pinagdidiskusyunan sa Kongreso ang tungkol sa confidential fund kasi sa tagal na raw niyang mambabatas ay hindi naman daw matagal na pinag-uusapan ito sa House of Representatives.


Dati ‘yan Cong. Abante, hindi talaga gaanong pinag-uusapan sa Kongreso ‘yang confidential funds dahil ang presidente bilang commander-in-chief at mga ahensyang may mandato sa law enforcement at national security lang ang binibigyan ng CIF o confidential and intelligence funds, eh ngayon, kaduda-duda na pati mga tanggapan na ang namumuno ay mga trapo na nagsisipaghingian na rin ng “confi funds”, kaya’t dapat lang talagang pagdiskusyunan ‘yan, period!


◘◘◘


MGA SMUGGLED RICE IPINAMIGAY NI P-BBM SA MGA MARALITA, SA PANAHON NI EX-P-DIGONG NABULOK LANG -- Ipinamigay ni Pres. Bongbong Marcos (P-BBM) sa mga mahihirap na Pinoy na miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ang mga kumpiskadong smuggled na bigas.


Buti pa si P-BBM naisip na ipamigay sa mahihirap ‘yang mga kumpiskadong bigas, hindi tulad ng nakaraang administrasyong Duterte na hinahayaan lang mabulok sa mga bodega ang mga smuggled rice, boom!


◘◘◘


MGA TATAMAD-TAMAD SA DSWD, TIYAK NA KAKABA-KABA DAHIL SIBAK ANG AABUTIN NILA KAY SEC. REX GATCHALIAN -- Inanunsyo ni Sec. Rex Gatchalian ng Dept. of Social Welfare and Development (DSWD) ay inatasan na niya ang 20 undersecretaries at assistant secretaries ng kagawaran na magsumite ng courtesy resignation, at ayon sa kanya ay isasailalim ang mga ito sa evaluation process kung sino ang dapat manatili o hindi na.


Dahil d’yan, siguradong kakaba-kaba na ang mga tatamad-tamad sa puwesto sa DSWD kasi tiyak na sibak ang aabutin nila kay Sec. Rex dahil sa lahat ng ayaw ng DSWD sec. ay ‘yung mga may puwesto sa pamahalaan na tamad, period!


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page