Mga taong nais mag-abroad, suwerte ngayong 2023
- BULGAR
- Mar 19, 2023
- 2 min read
ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Numero | March 19, 2023
Dear Maestro,
Matagal na akong nag-a-apply sa abroad, pero laging hindi natutuloy. Noong una, nabiktima ako ng illegal recruiter at sa pangalawang pagkakataon ay bagsak ako sa interview.
Gayunman, hindi ako sumuko na mag-apply at sa pagbabasakaling matuloy ako.
Gusto kong malaman kung ngayong 2023, papalarin na ba akong makapangibang-bansa? Pero, negative kasi ako mag-isip kaya kinakabahan ako. Matutuloy na ba kaya ako ngayong taon at ano ang mga dapat at hindi ko dapat gawin? April 15, 1989 ang kaarawan ko.
Umaasa,
Cecille ng San Carlos, Aliaga, Nueva Ecija
Dear Cecille,
Hindi kagandahan ang iyong pirma, kaya palaging napupurnada ang iyong pag-a-apply sa abroad. Kaya tama ang iyong kaba o kutob dahil kung hindi mo babaguhin ang iyong pirma, malamang na mabulilyaso o hindi ka na naman palarin sa binabalak mong pag-a-abroad ngayong 2023.
Bukod sa magulo ang iyong pirma ay maraming bilog, kaya tulad ng nasabi na, dapat mo itong baguhin agad para magbago na rin ang iyong kapalaran.
Ang dapat mong gawin upang mapaganda ang iyong pirma ay alisin mo ang bilog at huwag mo nang ibalikwas pabalik sa kaliwang direksyon ang dulong bahagi ng letrang ‘a’.
Sa halip, tuluy-tuloy lang ang gawin mong pagpirma sa direksyong kanan. Pagkatapos sa pinakapaa ng dulong letrang “a”, tapusin mo ang iyong pirma sa straight line sa direksyong pakanan.
Sa ganyang pirma, may straight line sa dulo, simple at hindi nababoy, tulad ng dati, mawawala na ang mga aberya at kamalasan, kaya sa mas mabilis na hinaharap, susuwertehin ka nang makapangibang-bansa.
Tuwing mag-a-apply ka, pula, asul o violet ang isuot mong kulay, puwede ring pink upang pumabor sa iyo ang magandang kapalaran.
Mas mabuti rin kung pipiliin mong petsa ang 3, 12, 21, 30, 6, 15, 24, 9, 18 at 27 sa paglakad o pag-aayos ng mga papeles upang tuloy-tuloy ka nang makapag-abroad, umunlad at habambuhay na lumigaya.
Kapag nagawa mo na ang simpleng paraan na binanggit sa itaas, ayon sa Travel Calendar at sa kasalukuyang taon, sa last quarter ng Oktubre o Disyembre at sa edad mong 34 pataas, may mabiyayang pangingibang-bansa ang itatala sa iyong karanasan.




Comments