top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Mga taong dapat iwasan ng taong otso para sure na umunlad ang buhay

Writer: BULGAR
BULGAR
Feb 14, 2023
3 min read

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Numero | Pebrero 14, 2023

Dear Maestro,


Sa kasalukuyan, ako ay 28-anyos at nasa Israel ako ngayon. Gusto kong malaman kung ano kapalaran ko at bakit sunud-sunod ang mga problema ko?


Malapit nang matapos ang kontrata ko, kaya sa kasalukuyan ay naghahanap na ako ng bagong trabaho. Gusto ko ring malaman kung bakit hindi stable ang aking kapalaran, lalo na sa career? Isa pa, bakit palagi akong bigo sa pag-ibig?


Sana ay matulungan n’yo ako para gumanda na ang buhay ko, lalo na sa love life at career.


December 26, 1994 ang birthday ko

Umaasa,

Annie ng Israel


Dear Annie,


Ganyan talaga ang kapalaran ng mga Taong Otso (8) na tulad mong isinilang sa petsang 26 (ang 26 sa Numerology ay 2+6=8), gayundin silang mga isinilang sa petsang 8 at 17.


Ang nangyayari, sadyang maraming pagsubok ang dumarating sa kanilang buhay at kapalaran, pero tulad ng mga istorya sa telebisyon o telenobela, pagkatapos ng mga pagsubok, ‘yung “bida” (ikaw), sa bandang huli ay uunlad at magiging maligaya rin.


Kaya kung ikaw ang nanonood, habang nasa sasakyan galing sa sinehan, masasabi mo sa iyong boyfriend o girlfriend na, “Wow, happy ending pala ang ang pinanood nating pelikula!”


Tunay na ganyan din ang magiging buhay at kapalaran ng mga Taong Otso na tulad mo, Ms. Capricorn — kahit maraming pagsubok ang buhay, ‘wag kang mawawalan ng pag-asa dahil sa takdang panahon, magiging happy ending din ang lahat.


Pero sa kabila ng positibong pag-aanalisang ito, may kokontra pa rin at sasabihing, “Maestro, bakit ganu’n, sa ending pa ba ako magiging maligaya, gayung malayo pa ‘yun at isa pa, ang hirap na ng buhay ko sa kasalukuyan?” Talagang ganu’n, dahil ang totoo pa nito, wala namang buhay na madali.


‘Yung nanay na nagle-labor pa lang, hindi ba, hirap na hirap din siya? Bukod sa kanya, pati ‘yung sanggol na lumulusot sa isang tila napakasikip na kuweba, at ang nasabing sanggol ay tuluyan nang iniluwal, wala siyang anumang saplot sa katawan at nakukulapulan ng malansang inunan. At dahil sa hirap na pinagdaanan ng sanggol, nakita n’yo na kahit sa unang araw pa lang niya sa mundo, hindi man lang niya nagawang ngumiti o tumawa. Sa halip, sa unang araw pa lang ng sanggol sa mundong ito, pero iyak na siya nang iyak.


Kung tutuusin, hindi naman talaga masaya ang mundong ito dahil ang karanasan natin dito ay marami talagang pagsubok, pakikipagsapalaran at pangamba. At kung sinuman ang maka-survive at makihamok hanggang sa manaig, siya ang magtagumpay, kung saan sa bandang huli, siya ang tatanghaling winner – wagi at maligaya.


Kaya wala kang dapat gawin ngayon kundi magtiis at maghintay na pagkatapos ng madilim na yugto ng iyong buhay na tadtad ng mga pagsubok, tulad ng maulap na panahon, kinabukasan ay sisikat din ang araw na may hatid na maunlad at maligayang umaga.


Samantala, upang mas madaling makaahon sa mga problema ang mga Taong Otso tulad mo, dapat ay iwasan n’yo ang mga taong may birth date na 9, 18, at 27, ganundin ang mga taong may birth date na 1, 10, 19 at 28 dahil kadalasan, sila ang nagbibigay sa inyo ng problema. Gayunman, sa umpisa ay maganda ang dulot sa inyo ng nasabing mga tao, ngunit sa bandang huli, papangit ang inyong pagsasama hanggang sa mapuno ito ng lungkot at pagluha.


Kaya dapat sa umpisa okey lang kayong makipagkaibigan sa nasabing mga taong naiimpluwensiyahan ng numerong nueve (9, 18 at 27) at uno (1, 10, 19 at 28), pero ‘pag napapansin mo na medyo pumapangit na ang samahan, ‘yun naman ang tamang panahon upang iwasan ang nasabing mga nilalang. ‘Ika nga, kapag kasama mo ang naturang mga tao, dapat laging nasa isip mo ang paghahanda para sa isang “graceful exit”.


Kung “mixed” o magulong kapalaran ang dulot sa inyo ng mga Taong Nueve at Uno, magbubunga naman ng magandang kapakinabangan kung kayo ay makikipagkaibigan sa mga taong naiimpluwensiyahan ng numerong singko (5) tulad nilang may mga birth date na 5, 14, at 23, gayundin ng mga Taong Siete (7) o silang mga isinilang sa petsang 7, 16 at 25. Sa kanila kayo makipagkaibigan dahil sila ang magbibigay sa inyo ng hitik at magagandang kapalaran, higit lalo silang mga isinilang sa mga zodiac sign na Cancer, Taurus, Virgo at kapwa mo Capricorn.


Samantala, para mas madaling makaahon sa mga problema na kinakaharap mo sa kasalukuyan, ang isa pang dapat mong gawin ay palagi kang gumamit ng mapalad mong kulay tulad ng berde, habang secondary color mo naman ang dilaw.


Sundin mo muna ang lahat ng suhestyon sa itaas — tamang paggamit ng kulay at mga tao na dapat maging kaibigan — at pagsapit ng taong 2025 hanggang 2026, mapapawi ang madilim na yugto ng iyong buhay dahil sisibat ang maaliwalas na sikat ng araw sa silangan. Sa panahong tinuran at sa edad mong 31 pataas, magsisimula ka nang umasenso at magkakaoon ka na rin ng masayang love life, hanggang sa tuluy-tuloy kang yumaman at magkaroon ng masaya at panghabambuhay na pamilya.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page