Mga tambay dumami na naman, gobyerno dapat kumilos
ni Ryan Sison @Boses | Marso 9, 2024
Nakakalungkot isipin na marami sa atin ang nagiging tambay na naman sa bahay.
Tumaas kasi ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho sa unang buwan ng 2024, habang bumaba ang bilang ng mga may trabaho at kabuhayan sa gitna ng pagluwag ng seasonal demand para sa paggawa matapos ang mga holidays noong nakaraang taon.
Ayon kay Philippine Statistics Authority (PSA) chief at National Statistician Claire Dennis Mapa, ang bilang ng mga walang trabahong indibidwal, mga edad 15 pataas, ay lumaki ng 2.15 milyon nitong January ng kasalukuyang taon, mula sa 1.60 milyon noong December 2023.
Para sa year-on-year basis, ang bilang ng mga walang trabahong indibidwal ngayong buwan ay mas mababa ng 228,000, kumpara sa 2.38 milyong walang trabaho noong January 2023.
Sinabi naman ni Mapa na ang unemployment rate ay naitala na 4.5% o 45 sa bawat 1,000 indibidwal na nasa labor force ang walang trabaho o negosyo nitong January 2024, mas mataas kaysa sa 3.6% unemployment rate noong December ng nakaraang taon.
Gayundin, bumaba ang bilang ng mga indibidwal na may trabaho sa 45.94 milyon mula sa 50.52 milyon noong December 2023. At para sa year-on-year basis, ang mga may trabahong indibidwal noong January 2024 ay mas mababa ng 1.41 milyon kumpara sa 47.35 milyon noong January 2023.
Tila bumabalik uli tayo sa dati nating problema na pagdami ng mga kababayan nating walang trabaho at mapagkakakitaan.
Hindi nagiging mabuti ‘yan sa bawat pamilyang Pinoy kasi hirap na nga ang lahat sa napakataas na mga bilihin at bayarin, dumarami pa ang mga tambay at walang ikabubuhay, at hindi rin maganda ‘yan para sa ating ekonomiya.
Marahil, dapat na kumilos ang kinauukulan para maresolba ito at hindi na lumala pa.
Para sa akin, ang pag-unlad ng isang bansa ay makikita sa lakas ng maraming manggagawa.
Tulungan sana nila ang mga maliliit na negosyo na hirap pa rin hanggang ngayon na makabangon, nang sa gayon ay dumami rin ang kanilang iha-hire na mga empleyado.
Gayundin, gumawa sila ng paraan na mapataas ang bilang ng mga gustong magtrabaho abroad, habang ipadala kaagad ang mga ito sa mga bansang nangangailangan ng kanilang serbisyo.
Isipin sana natin na mas mainam na magkaroon ng maraming manggagawang Pinoy, overseas man o local employment para tuluy-tuloy ang pag-usad ng ating bansa.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments