Mga taga-Immigration sa NAIA, dapat ipa-drug test kasi 'tamang hinala'
- BULGAR
- Apr 4, 2023
- 2 min read
ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | April 4, 2023
SA ‘PINAS, TIYAK NA LUSOT SA KASO SINA EX-P-DUTERTE AT SEN. DELA ROSA, PERO SA ICC, WALA SILANG LUSOT AT SWAK SA ICC JAIL—Kaya gusto nina ex-P-Duterte at Sen. Ronald dela Rosa na sa mga korte sa Pilipinas sila imbestigahan tungkol sa extrajudicial killings (EJK) ay dahil alam nilang absuwelto o lusot sila sa kaso.
Sa International Criminal Court (ICC) nga naman, wala silang lusot at ang masaklap, kapag nagpalabas ng warrant of arrest at sila ay naaresto, hindi sila ituturing na VIP dahil ang magiging trato sa kanila ay pangkaraniwang preso na nakakulong sa maliit na selda sa ICC jail. Boom!
◘◘◘
SANA ‘DI LANG WAR CRIMES, CRIMES AGAINST HUMANITY AT GENOCIDE ANG HAWAKANG KASO NG ICC, SANA PATI PLUNDER CASE—Sana, hindi lang ang mga kasong war crimes, crimes against humanity at genocide ang dingging kaso sa ICC kundi pati ang kasong plunder. Ang mga mapapatunayang plunderer na walang awang nagnanakaw sa kaban ng bayan ay dapat makulong sa ICC jail sa Netherlands at hindi na muling makatakbo at magkaroon ng puwesto sa pamahalaan.
Tulad dito sa ‘Pinas, malinaw naman sa batas na ang plunder ay ‘no bail’, pero ‘yung mga pulitikong may kasong plunder ay nakakalaya. Ang matindi, kapag kumandidato ay nananalo pa, kaya nagkakaroon ulit ng posisyon sa pamahalaan para mandambong ulit sa kaban ng bayan.
Tsk!
◘◘◘
DAHIL SA ‘TAMANG HINALA’ NG MGA TAGA-IMMIGRATION, LIBU-LIBONG PINOY TRAVELERS NAPEPERHUWISYO—Sa Senate investigation, nabulgar na higit 32,000 Pinoy travelers last year ang hindi pinayagan ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na makalabas ng Pilipinas dahil sa hinalang magtatrabaho lang ang mga ito bilang mga TNT (tago nang tago) sa ibang bansa, at higit 400 lang pala ang napatunayang magti-TNT.
Mantakin n’yo, higit 31,500 na may kumpletong dokumento para magturista at magtrabaho sa ibang bansa ang pinerhuwisyo ng BI, gayung higit 400 lang pala ang natuklasan nilang magti-TNT.
Dapat ipa-drug test ang mga taga-BI sa NAIA dahil baka may mga nagdodroga sa mga ito kasi sa pagiging tamang hinala, ang dami tuloy nilang napeperhuwisyo. Boom!
◘◘◘
IMMIGRATION, MAHIGPIT SA PINOY TRAVELERS, PERO MALUWAG SA CHINESE POGO WORKERS—Kung sobrang higpit ng Immigration sa Pinoy travelers na lalabas ng bansa, ang luwag naman nila sa mga undocumented Chinese na pumapasok sa ‘Pinas.
Totoo at napatunayan din ‘yan sa Senate investigation tungkol sa isyu ng ‘Pastillas Gang,’ na sangkaterbang undocumented Chinese ang nakapasok sa bansa, na nagtatrabaho na ngayon sa mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO). Buset!





Comments