ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | November 16, 2023
Nagbigay ng babala ang Land Transportation Office (LTO) na parusang suspensyon ng driver’s license para sa mga motoristang tatakas sa mga sumisitang traffic enforcer dahil tila habang tumatagal ay nakakasanayan nang hindi irespeto ang mga nagmamando ng trapiko.
Ito ang naging pahayag ni LTO chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II, matapos makatanggap ng mga ulat na maraming motoristang pasaway sa kalsada, kabilang na ang ilang motorcycle riders na tumatakas sa tuwing sinisita para hindi mahuli.
Nagsimula ang banta ni Mendoza nang ipatupad ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang unang araw ng mataas na multa sa sinumang masasakoteng hindi awtorisadong daraan sa kahabaan ng EDSA busway dahil sa rami ng hindi sumusunod.
Nauna rito ay inanunsyo ng MMDA na itataas na ang multa sa mga hindi awtorisadong babagtas sa naturang busway na mahuhuli simula Nobyembre 13 upang matakot umano ang mga pasaway na motorista na paulit-ulit sa paglabag.
Batay sa resolusyon na pinagkasunduan ng Metro Manila Council (MMC), P5,000 ang ipapataw na multa sa unang paglabag o first offense. Nasa P10,000, isang buwan na suspensyon ng driver’s license, at pagdalo ng road safety seminar ang ipapataw kapag second offense.
Aabot naman sa P20,000 sa ikatlong offense, na may kasamang isang taong suspensyon ng driver’s license, at P30,000 na penalty naman sa fourth offense, kung saan irerekomenda na ng LTO na i-revoke ang lisensya ng driver.
Sa ngayon kasi ay nasa P1,000 lamang ang multa na ipinapataw sa mga lumalabag sa EDSA busway na bumabagsak lamang sa violation na disregarding traffic sign.
Noong nakaraang Lunes ay sinubukan na ng MMDA kung epektibo ang pagtataas ng multa sa mga lumalabag sa pagdaan sa EDSA busway ngunit ang resulta ay mahigit umano sa 300 pasaway na motorista ang nasampolan sa bahagi lang ito ng Megamall sa Mandaluyong City.
Kabilang sa mga nahuli at tinikitan ng MMDA ay limang pulis, isang kawani ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) at isang empleyado mismo ng MMDA kaya hindi puwede ang katuwiran na hindi nila alam ang bagong patakaran.
Kumbaga, marami na talagang motorista ang walang respeto sa batas at kahit ang mga pulis na dapat ay tagapagpatupad ng batas ay ilan pa sa nangunguna sa paglabag dahil tiwala silang hindi sila tutuluyan.
Katunayan, dalawang motorcycle rider ang tumakas sa traffic enforcer na sumisita sa kanila sa bahagi ng Ortigas sa Mandaluyong City habang isang itim na Toyota Fortuner ang nakalusot sa Cubao, Quezon City.
Ang hindi alam ng mga nagsitakas na motorista na itinuturing agad na third offense ang kanilang ginawa na may katapat na multang P20,000 at isang taong suspensyon ng driver’s license dahil sa wala na silang takot takasan ang enforcer.
Kasabay nito’y binalaan ni MMDA Special Operations Task Force Ret. Col. Bong Nebrija ang mga pasaway na pulis na ililista nila ang pangalan ng mga ito at isusumbong sa Directorate for Investigation Detective Management ng Philippine National Police (PNP).
Hindi lang dapat isumbong, dapat ay bigyan ng karampatang parusa ang mga pasaway na pulis kundi man kayang sampahan ng asunto, upang hindi pamarisan dahil higit silang dapat manguna sa pagsunod sa umiiral na batas.
Alam naman ng mga motorista na bukod sa mga bus at ambulansya, pinapayagan lang gumamit ng bus lane ang mga sasakyan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at PNP na may opisyal na function.
Ngayon, heto si Mendoza at ipinagdidiinang ang driver’s license ay isang pribilehiyong ibinigay ng gobyerno na may kasamang responsibilidad at obligasyon na kinabibilangan ng paggalang sa mga batas-trapiko at sa mga taong nagpapatupad nito.
Medyo hati kasi ang opinyon ng publiko sa napagkasunduan ng MMC na disiplinahin ang mga motorista sa pamamagitan ng pagtataas ng multa, kaya nga sunud-sunod ang mga protesta ng mga transport group dahil sa tumaas ang toll fee, mas maraming taas kesa baba ang presyo ng gasolina tapos madadagdag pa nga naman ang napakataas na multa.
Hindi rin natin sinasabing mali ang MMC, ang sinasabi lang natin ay medyo negatibo ang dating sa publiko dahil nga malaking dagdag-gastos ang pagtaas ng multa, ngunit maayos naman ang intensyon ng MMC dahil ang mga pasaway lang naman ang pagmumultahin.
Kaya habang pinag-aaralan natin ang kasalukuyang sitwasyon kung paano tayo makakatulong at makapagbibigay ng maayos na suhestiyon ay makabubuting sumunod sa batas at huwag tatakas sakaling mahuling lumabag sa batas-trapiko.
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.
Kommentare