top of page
Pokwang.jpg

Mga sugapang negosyante, yari!

Writer: BULGAR
BULGAR
Jan 21, 2021
1 min read

@Editorial | January 21, 2021



Sa hirap ng buhay dulot ng COVID-19 pandemic, talagang labasan ng galing sa pagdiskarte kung paano mairaraos ang bawat araw.


‘Yung mga nawalan ng trabaho, kinailangang sumugal sa pagnenegosyo, habang ang mga dating negosyante, napilitan namang mangamuhan at magtiyaga sa kung magkano lang ang suweldo.


Parang bumaligtad ang mundo pero, lahat ay nasa iisang panahon — pandemya.

Ang nakalulungkot, may iba na tila walang pakialam sa kapwa, tanging sarili lang ang iniisip.


Tulad ng mahigit 1,000 mga negosyante na sinasabing lumabag sa itinakdang suggested retail prices (SRP) sa mga produkto.


Ayon sa Department of Trade and Industry (DTI), pinadalhan na nila ng sulat at pinagpapaliwanag ang kabuuang 1,070 na negosyante dahil sa pagtaas ng presyo ng mga produktong ibinebenta.


Kaugnay nito, 31 ang nabigyan umano ng show-cause order habang 274 naman ang napatunayang hindi sumusunod sa tamang presyo. Mayroon na ring 16 na negosyante ang nasampahan na ng kaso.


Sakaling mapatunayang lumabag sa Price Act ang mga negosyante, makukulong mula lima hanggang 15 taon at may multang P5, 000 hanggang P2 milyon.


Kung ganito pala kabigat ang parusa, bakit tila walang takot itong mahigit isang libong mga negosyante? Alam ba nila ang batas? Isa pang tanong, ito ba’y naipatutupad o puro pagbabanta lang?


Kailangang makita ng mga pasaway na negosyante na hindi nagbibiro ang gobyerno laban sa mapagsamantalang mamamayan lalo na ngayong nasa gitna tayo ng pandemya. Hindi lang kayo ang nalulugi sa panahon ngayon, kaya huwag namang abusado.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page