top of page
Isko Moreno Domagoso - FB.jpg

Mga single employee, aprub na mag-leave sa Valentine’s Day

Writer: BULGAR
BULGAR
Feb 9, 2024
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Pebrero 9, 2024


Sa mga single na empleyado, good news dahil pinayagan silang hindi magtrabaho sa Valentine’s Day.


Aprub sa lokal na pamahalaan ng Basud, Camarines Norte, na makapag-leave of absence sa mismong February 14 ang lahat ng single employees, kung saan ito na ang ikaanim na taon na kinonsidera ng naturang LGU na pagbigyan silang hindi pumasok.


Ayon kay Basud Mayor Adrian Davoco, mahalagang suportahan ang mga regular na empleyado na nananatiling single habang epektibo naman sa kanilang mga tungkulin.


Aniya, ang pinakagusto niyang mangyari ay masuportahan ang mga empleyado nila sa kanilang munisipyo para sa ganu’n ay hindi naman mapag-iwanan ang kanilang buhay.


Kung palagi silang nasa trabaho ay naging ganito na rin ang buhay nila, habang nawawala na ang para sa kanilang sarili.


Gayunman, kung pipiliing magtrabaho ng iba sa Araw ng mga Puso ay maaaring i-monetize ang kanilang leave credit.


Sinabi rin ni Davoco na ang inisyatibang ito ay higit pa sa uso o umaayon sa kulturang popular. 


Batay sa personal na karanasan niya, kinikilala niya ang positibong epekto ng pagkakaroon ng partner at isang magandang relasyon.


Bagama’t hinihikayat ang mga empleyado na samantalahin ang naturang special leave, pinaalalahanan naman sila na tiyaking natapos nila ang lahat ng kanilang mga gawain o tasks upang maiwasan ang disruption sa mga serbisyo.


Mainam na nabibigyan din ng pagkakataon ang mga empleyado na makapagpahinga o kaya naman ay makipag-date at makasama ang kanilang mga loved ones.


Iba rin ang nagagawa kapag ang isang indibidwal ay may mga tagasuporta, umuunawa, at nagmamahal dahil positibong nakakaapekto ito sa kanyang pagganap sa trabaho.


Maiisip kasi natin na ang buhay ay napakaganda at napakasarap, lalo na kung mayroon tayong kasama na palagi nating malalapitan at makakakwentuhan, mga kaibigan at partner in life. 


Payo lang sa iba na naghihintay ng kanilang special someone, take it easy at maging masaya lang palagi.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page