Mga Sen., naging bulag at pipi sa P731B pondo ng Marcos Admin, dedma kung saan gagastusin, ‘anyare?!!
- BULGAR
- Dec 22, 2023
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | December 22, 2023
MISTULANG CONFIDENTIAL FUND ANG P731B ‘UNPROGRAMMED FUND’ NG MARCOS ADMIN -- Nilagdaan na ni Pres. Bongbong Marcos (P-BBM) ang higit P5.7 trillion national budget para sa year 2024, at ang bad sa nilagdaang ito ni P-BBM ay kasama rito ang higit P731 billion “unprogrammed fund” kasi mistula itong confidential fund na gagastahin ng Marcos administration nang hindi malalaman ng taumbayan saan ito gagastahin.
Nakalulungkot isipin na napakaraming senador ang bansa na silang dapat sumasala kung saan gagamitin ang pera ng bayan ay nagmistula silang mga bulag at pipi na hindi na “nakita” at hindi nagtanong kung saan gagastahin ng Marcos admin ang P731 B pera ng bayan.
Buti na lang, may isang senador, sa katauhan ni Sen. Koko Pimentel ang nagbulgar nito sa publiko na nag-promise na kukuwestiyunin niya sa Supreme Court (SC) ang legalidad ng P731B “unprogrammed fund” ng Marcos admin, period!
◘◘◘
KUNG TOTOO NA NAGTATRABAHO ANG GOBYERNO PARA SA TAO AT BAYAN, SANA WALANG CONFI FUND, UNPROGRAMMED FUND AT MAHARLIKA INVESTMENT FUND ANG MARCOS ADMIN -- Matapos pirmahan ni P-BBM ang higit P5.7 trillion, tumirada siya nang ganitong statement, “We are working for the people, not ourselves, we are working for the country, not for ourselves”.
Weh, ‘di nga? Kasi kung totoong nagtatrabaho ang Marcos admin para sa tao at sa bayan lang, at hindi para sa kanilang sarili, sana ay walang nakakalulang P4.5 B confidential fund si P-BBM, sana walang P731B “unprogrammed fund” ang Marcos admin at sana hindi isusugal ng gobyernong Marcos sa investment ang P500B pera ng bayan na inilagay bilang Maharlika Investment Fund (MIF), boom!
◘◘◘
HINDI RAMDAM ANG PASKO SA ‘PINAS KASI MATUMAL ANG BENTA SA PALENGKE -- Ayon sa mga manininda sa palengke ay parang hindi raw ramdam ang panahon ng Kapaskuhan sa bansa dahil matumal ang benta o walang gaanong bumibili sa mga paninda nilang produkto.
Patunay ang hinaing na ‘yan ng mga tindera at tindero na maraming naghihikahos na mamamayan na hindi magawang makabili ng mga pamasko at mga panghanda sa Noche Buena dahil sa hirap ng buhay sa ilalim ng Marcos admin, tsk!
◘◘◘
MAPANG-APING POLISIYA ANG PUV MODERNIZATION PROGRAM NG MARCOS ADMIN -- Nagpapasaklolo na sa SC ang mga tsuper at operator ng mga traditional jeepney at UV express na atasan ang Marcos admin na pigilan o huwag ituloy ang Public Utility Vehicle (PUV) modernization program ng pamahalaang Marcos.
Sana, katigan ng SC ang hiling ng mga transport group, kasi sa totoo lang ay mapang-api ang polisiyang ito ng Marcos admin dahil kapag ito ay naipatupad, magdudulot ito para mawalan ng hanapbuhay ang libu-libong tsuper at operator ng mga jeepney at UV express sa pagpasok ng year 2024, period!





Comments