top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Mga sementeryo sa Pampanga at Bulacan, lubog pa rin sa baha

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Oct 17, 2023
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | October 17, 2023


Dalawang linggo na lamang at aalalahanin na naman natin ang ating mga mahal sa buhay na namayapa na, kung saan dadalawin natin ang kanilang mga puntod ngayong Undas.


Subalit, para sa mga taga-Pampanga at Bulacan, problemado sila kung paano pupuntahan ang mga puntod dahil sa nananatiling baha pa rin ang ilang sementeryo sa naturang lugar.


Batay sa nakalap na impormasyon ng GMA News, sa Sta. Elena Memorial Park sa Masantol, Pampanga, naglatag na ang mga personnel ng pinutol na damo o “talahib” upang lakaran ng mga tao para makarating sa mga puntod ng kanilang mga mahal sa buhay.


Sa Santa Iglesia Katoliko Public Cemetery sa Masantol, binaha rin ang mga puntod. Ayon sa mga residente, palagi na lang ganoon kada taon habang papalapit ang All Saints’ Day, kaya mas pinipili na lamang ng iba na magsindi ng kandila sa kani-kanilang mga tahanan para alalahanin ang mga yumaong mahal sa buhay.


Binaha rin ang sementeryo sa Macabebe, Pampanga, kaya minabuti ng ilang residente roon na ipinagpaliban muna ang paglilinis ng mga puntod.


Pero sa Obando, Bulacan, nagpatuloy naman ang ilang residente sa paglilinis ng mga puntod sa kabila ng baha na dulot ng mga pag-ulan at high tide.


Samantala, ang All Saints’ Day, November 1 ay idineklarang special non-working day upang magbigay daan sa ating mga kababayan na bisitahin ang mga puntod ng kanilang mga loved ones, alinsunod sa tradisyon nating mga Pinoy.


Sa loob ng isang taon, minsan lamang natin dadalawin at pupuntahan ang mga puntod ng ating mga mahal sa buhay kaya talagang pinaghahandaan ito ng mga kababayan sa buong bansa.


Pero ang masaklap, may mga sementeryo na hindi mapuntahan dahil sa nananatiling baha sa kanilang lugar.


Gustuhin man nilang linisin, alayan ng mga bulaklak, magsindi ng kandila ang mga puntod ng kanilang loved ones ay hindi nila magawa dahil sa nararanasang pagbabaha.


Panawagan natin sa kinauukulan, alamin sana nila ang lugar na mayroon pa ring baha at gawan ng paraan upang matulungan ang mga kababayan, para kahit papaano at saglit lang ay madalaw nila ang mga puntod ng kanilang mga yumaong mahal sa buhay.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page