Mga sasakyang panghimpapawid, dapat nang tutukan
- BULGAR
- Feb 20, 2023
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | Pebrero 20, 2023
Nakakabahala na ang napapaulat na biglaang pagkawala ng mga eroplano habang ang mga ito ay nasa ere.
Ito ang kinumpirma ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na isang Cessna plane ang nawawala ulit matapos nitong lumipad mula sa Bicol International Airport.
Noong Sabado, bandang alas-6:43 ng umaga isang Cessna 340 na may tail number RP-C2080 aircraft ang umalis mula sa nasabing airport.
Ayon sa air traffic controllers, bandang alas-6:46 ng umaga, huling nagkaroon sila ng komunikasyon sa Cessna plane nang nasa bisinidad na ito ng Camalig, Albay, na may altitude na 2,600 talampakan at saka tuluyang nawala sa kanilang radar.
Alas-7:53 ng umaga, inaasahang lalapag ang naturang eroplano sa Manila, subalit hindi na ito nangyari.
Batay sa CAAP, ang nawawalang six-seater Cessna aircraft ay may sakay na apat na indibidwal, kabilang na ang piloto, isang crew at dalawang pasahero.
Gayunman, ipinaalam na ng CAAP sa mga awtoridad at iba’t ibang ahensiya ng gobyerno gaya ng local government unit ng Camalig, Philippine Air Force (PAF), Philippine Coast Guard (PCG), Office of Civil Defense (OCD), at National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang insidente habang nakikipag-ugnayan na rin ang kagawaran para sa search and rescue (SAR) operations sa nawawalang eroplano.
Nag-dispatch na rin ang kagawaran ng mga opisyales mula sa kanilang Aircraft Accident Investigation and Inquiry Board (AAIIB) upang asistehan sa naganap na emergency na ngayon ay nasa Distress Phase (DETRESFA) na.
Bago rito, noong Enero 24, 2023 ay isang Cessna 206 aircraft naman na galing sa Isabela ang nawala na may sakay na anim na katao, kung saan hanggang sa ngayon ay hindi pa rin natatagpuan.
Palaisipan sa marami ang pagkawala sa radar ng mga eroplano habang ito ay nasa ere pa.
Walang makapagsabi o anumang report kung ito ba ay bumagsak o na nasa himpapawid pa rin sa ngayon na tunay na nagdudulot na ng takot sa taumbayan.
Hindi rin maipaliwanag kung saan na napunta ang mga sakay nito, habang naghihintay ang mga pamilya nito sa mga awtoridad tungkol sa lagay ng mga ito kung buhay pa o hindi na.
Marahil, panahon na para mas tutukan ng mga kinauukulan ang nararapat na teknolohiya at iba pang equipment o kagamitan sa pagpapaunlad ng ating mga kinakailangang radar.
Dapat din nilang paigtingin ang kanilang sistema pagdating sa aviation at suriin muna nang mabuti ang mga eroplano at iba pang sasakyang panghimpapawid bago ito gamitin.
Aksyunan na natin ito agad upang hindi na madagdagan pa ang ganitong klase ng insidente.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com




Comments