top of page

Mga sangkot sa nakawan sa PhilHealth, kailangang managot!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 15, 2020
  • 2 min read

ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | August 15, 2020


Sa mga pribadong korporasyon, kapag sumasabog ang mga usapin tungkol sa korupsiyon, nakawan o anumang katiwalian, sibak agad ang mga opisyal o in-charge sa mga departamentong nangangamoy anomalya. Hindi ‘yan pinatatagal dahil talagang aalma ang mga board member at shareholders para malinis ang buong tanggapan.


Ito ang sargo natin ngayon dahil sa karimarimarim na kutsabahan ng mga mandarambong sa PhilHealth.


Hindi natin maiwasang sumama ang loob dahil ang PhilHealth ay legasiya ng ating yumaong ama, si dating Senate President Edgardo Angara. Ang numero uno niyang layunin sa paglikha nito ay upang matulungan ang mga kababayan natin sa kanilang mga pangangailangan kapag sila ay naoospital. Isang dalisay na layunin na ngayon ay nababahiran ng bulok na sistema dahil sa mga kawatan sa loob ng ahensiya.


Kung bukas lang sana sa publiko o transparent ang galaw ng pondo ng PhilHealth at kung responsable sa kani-kanilang tungkulin ang mga opisyal d’yan, malamang ay hindi sila mahaharap ngayon sa ganito kalaking kontrobersiya.


Nakadalawang pagdinig na ang Senado sa isyung ito, at walang pagbabago — kung mapapansin natin, kadalasan ay magtuturuan ang mga opisyal sa pagsagot sa isang simpleng katanungan. D’yan pa lang, halata nang may gustong pagtakpan.


Sa pagdinig noong Martes, Agosto 11, nabigyang-diin ‘yung ‘red flags’ na nakita ng Commission on Audit (COA) sa financial statements ng PhilHealth. Partikular d’yan ‘yung sa kanilang mga kuwestiyonableng benefits claims expense at iba pang mga kaduda-dudang koleksiyon. Karamihan umano ng submission ng PhilHealth, hindi suportado ng mga kaukulan at nararapat na dokumento tulad na lang ng kanilang 2017 financial statement.


Mula 2017 hanggang 2019, paulit-ulit ang adverse findings na ito ng COA. Hindi pa ba malinaw na may anomalya?


At kaugnay niyan, tayo’y nagpapasalamat sa COA dahil nagpahayag sila ng kahandaang magsagawa ng special audit sa PhilHealth. Matagal na natin itong hinihiling at isinusulong. Malaki ang maitutulong nito nang sa gayun ay mahubaran ng maskara ang mga tiwaling opisyal sa ahensiya.


Hiling din natin sa COA, maliban sa special audit, isama na rin sa kanilang iimbestigahan ang Interim Reimbursement Mechanism o IRM ng PhilHealth. Ito ang ginagamit ng ahensiya para sa claims ng mga pasyente ng COVID-19. Madedetermina natin dito kung wala o may hokus-pokus sa proseso.


Maraming kababalaghan sa loob ng PhilHealth kaya kailangan talagang mabusisi ito. Nariyan din ‘yung biglaang paglobo ng claims sa pneumonia cases. Mula 9.7-B noong 2015, ngayon, mula 2017 hanggang 2019, ang claims ay biglang naging P10.5-B kada taon. Dapat ding matutukan ito dahil masyadong malaki ang itinalon ng claims.


Nasa panahon tayo ngayon ng pandemya — panahon kung saan kailangang-kailangan ng publiko ng pondo para sa kanilang mga pangangailanang pangkalusugan, lalo na ‘yung mga maoospital dahil sa COVID-19.


Wala tayong kamalay-malay na masasaid na pala ang kaban ng PhilHealth. Ano na lang ang aasahan ng mga kababayan natin?


Panalangin nating managot sa lalong madaling panahon ang mga dapat managot.

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City

o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.co

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page