Mga sangkot sa flood control projects… “MANAGOT DAPAT” — JODI
- BULGAR
- 9 hours ago
- 4 min read
ni Beth Gelena @Bulgary | September 2, 2025

Photo: Sarah Geronimo - IG
“Managot dapat!” ito ang panawagan ng aktres na si Jodi Sta. Maria sa Instagram (IG) laban sa mga sangkot sa flood control at corruption na aniya’y sumisira sa tiwala ng publiko.
Aniya, “We work hard, give what we can, and pay our taxes trusting they serve the greater good. But when they uplift only a few, it makes me think na ang tunay na pagbabago ay nakasalalay hindi lamang sa ating mga pagpipilian, kundi pati na rin sa pananagutan sa mga sadyang sumisira sa tiwala ng publiko.”
Ang kanyang pahayag ay umalingawngaw at pinuri siya sa paggamit ng kanyang platform at impluwensiya upang tawagin ang mga sistematikong isyu.
Nakiisa ang aktres sa iba pang maiimpluwensiyang tao sa pagtulak ng responsibilidad at transparency, na nagbibigay-diin na hindi mangyayari ang tunay na pagbabago nang walang pananagutan.
Kabilang sa mga nagpahayag ng pagkabahala ang aktres na si Sofia Andres, na nagpaabot ng pakikiramay sa mga komunidad na naapektuhan ng baha, at si Nadine Lustre na nagsabing ang isyu tungkol sa flood control project ay parehong nakakainis at nakakasira ng loob.
Nagpahayag din si Doug Kramer na ang Pilipinas ay hindi isang mahirap na bansa. Sey niya, “A nation whose potential is crippled by corruption,” at kasakiman ng ilang lingkod-bayan.
NAGBIGAY ng payo sa paghawak ng mga insecurities si Shuvee Etrata.
Alam ni Shuvee kung ano ang pakiramdam kapag nakakatanggap ng panunukso at pambu-bully dahil naranasan din niya ito noon bago pa siya pumasok sa showbiz.
Ipinakita ng Pinoy Big Brother (PBB) Celebrity Collab Edition alumna na ang mga insecurities ay maaari talagang gawing lakas.
Sa isang panayam, naitanong sa kanya kung paano niya nilalabanan ang mga insecurities. Tahimik ngunit very sincere na sinagot ni Shuvee ang tanong.
Aniya, “Palagi akong nakakaramdam ng mga insecurities hanggang paglaki. Gayunpaman, dahil naririnig ako ng mga nakababatang henerasyon, gusto kong malaman ninyo na ang inyong morena na balat, ang inyong kutis ay hindi kailangan ng pag-aayos. Hindi mo na kailangang ayusin, kailangan mo lang yakapin. ‘Wag mong palitan.
“Tanggapin mo ‘yan kasi ‘yan ang ibinigay ni Papa Jesus sa ‘yo. Maganda ka kung sino ka.”
Inamin niya kung saan siya nagmula at tadhana raw ang tumulong sa kanya kung nasaan siya ngayon.
Biro pa niya, “Siguro, hindi ka lang uso ngayon, pero darating din ‘yung time na uuso ka rin. Promise talaga ‘yan, hindi ako nagdyo-joke, ‘yun talaga ang insecurity ko.
“Sa mga grade six na nang-bully sa akin noon, ano’ng sabi n’yo? Malaki ang simod (ilong) ko. Malaki raw ang lips. O, ano’ng ginagawa ngayon? Marami nang filler-filler. Oh, ‘di ba? Kasi uso na raw ‘yung malalaki, malalaking labi.
“Ganu’n lang ‘yun. Hindi ka lang talaga uso. Hintayin mo lang, uuso ka rin. I-love mo ‘yung sarili mo na ‘yan, ha? Prioritize yourself.”
Ang mga salita ni Shuvee Etrata, bagama’t may halong humor ay nagsilbing paalala na nagbabago ang beauty standards sa paglipas ng panahon, at ang pinakamahalaga ay ang pagmamahal sa sarili.
LUMABAS ang pagka-komedyante ng aktor na si Edu Manzano hinggil sa final check ng mga nasa gobyerno lalo na sa ahensiya ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Nag-viral ang aktor sa mga satirical posts nito tungkol sa baha.
Nakiisa si Manzano sa mga netizens sa pagbatikos sa mga pampublikong opisyal at kontratista, kabilang ang ilan sa mga anak na binansagang “Nepo Babies” online dahil sa pagpapakita ng marangyang pamumuhay.
Ang unang post ni Edu ay ang larawan niya na nakasuot bilang engineer sa isang construction site na may caption na: “Relax, guys. Ako na bahala… sa road to forever. Bill, Bill, Bill.”
May post din siya na nakatayo sa isang “ghost bridge” na ginagawa, pati isang larawan na may hawak na Rolls-Royce na payong, isang direktang pagtukoy sa viral na pahayag ni Sarah Discaya tungkol sa pagbili ng marangyang sasakyan dahil may lalagyan ng payong.
Aliw na aliw ang mga netizens sa mga posts ng aktor, pero hindi roon nagtapos ang kanyang mga biro. Ang bago niyang post, “On my way to a luxurious dinner… pero s’yempre, OOTD muna: Over-Priced Outfit Taxpayer Dues.”
Ani Edu, “Mas mahal pa ang outfit ko kaysa sa bridge na hindi natapos sa probinsya ninyo. As long as you keep us posted with the audits, I’m happy to pay my tax.”
Nagkomento ang mga netizens:
“Kulang! What about the shoes?!”
“Hello Engr. Edu, the best contractor ever.”
“I wonder how much your underwear costs. Hahaha!”
“Madaming entry ni Sir Edu Manzano. Happy to know there are those brave enough to call out through satire posts. But half meant.”
Nabago pa ang meaning ng DPWH, ayon sa mga netizens: “D – Department of P – Poor W – Works & H – Heartless”
Sigaw naman ng ilan, “Edu for DPWH Secretary!”
Sabi pa ng iba, “Sana si Edu na lang ang gawing DPWH Secretary, tutal nagtapos naman s’ya ng AB Economics kaya maiba-budget n’ya ang gastusin.”
Well, uso naman na ang mga celebrities na pinapasok ang pulitika, why not?
Comments