top of page
Isko Moreno Domagoso - FB.jpg

Mga residenteng malapit sa Taal, ‘wag pasaway

Writer: BULGAR
BULGAR
Sep 24, 2023
2 min read

Updated: Sep 25, 2023

ni Ryan Sison @Boses | September 24, 2023


Dahil sa volcanic smog o vog na dulot ng patuloy na aktibidad ng Taal Volcano, inilagay na ng Department of Health (DOH) ang lahat ng ospital sa Region IV-A (Calabarzon) sa ilalim ng code white alert status.


Ayon sa DOH, ang code white alert ay tumutukoy sa kahandaan ng mga ospital at health facilities na tumugon sa mga emergency situations. Habang ang mga medical personnel ay isinailalim na sa “on call status para sa agarang mobilisasyon”.


Paliwanag ng kagawaran, binalot na ng vog ang mga bahagi ng rehiyon gaya ng Cavite at Batangas, habang nagdulot na ito ng mga problema sa kalusugan sa ilang residente tulad ng pangangati ng mga mata, paninikip o pananakit ng dibdib, at pangangati ng lalamunan.


Naresulta na rin ng pagsuspinde sa mga klase ng mga paaralan sa naturang lugar.


Batay sa report ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), hindi bababa sa 22 bayan at apat na lungsod sa Batangas ang apektado ng sulfur dioxide emission (SO2).


Sa datos naman ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), makikita na ang SO2 emission mula sa Taal ay nasa 4,500 tonelada noong Setyembre 22, mas mababa sa 20,000 toneladang ibinubuga nito noong 2020.


Mabuti at mabilis ang naging pagkilos ng ating health department upang paghandaan ang anumang maaaring sitwasyon at magiging banta sa kalusugan ng mga residente sa naturang lugar.


Mas mahalaga ang mapigilan agad kaysa umabot na magkasakit-sakit pa ang ating mga kababayan at saka pa lamang gagamutin.


Paalala lamang sa publiko, lalo na roon sa nakatira sa mga lugar na malapit sa Taal Volcano na magdoble-ingat at patuloy na sundin ang ipinatutupad ng kinauukulan para na rin ito sa ating kaligtasan.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page