Mga pulitiko, dapat out sa Maharlika Fund
- BULGAR
- Jul 21, 2023
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | July 21, 2023
Dapat umanong mabigyan ng pagkakataon ang bagong batas na Maharlika Investment Fund (MIF) law, ayon sa punong may-akda nito na si Sen. Mark Villar, at tiniyak sa mga kritiko ang potensyal nitong makabuo ng 350,000 trabaho at mapalakas ang pangkalahatang ekonomiya.
Matatandaang nilagdaan ni Pangulong Marcos noong Martes ang kontrobersyal na MIF bill bilang batas. Pinatunayan ni Marcos ang panukalang batas bilang urgent para sa parehong kamara ng Kongreso.
Giit pa ni Villar, ang MIF chief executive officer ay dapat na isang eksperto sa finance at itinalaga ng Pangulo, ngunit ang appointment ay dapat dumaan sa isang advisory board.
Idinagdag niya na ang isang MIF manager na may outstanding skill at "impeccable reputation" ay hindi nangangailangan ng learning curve dahil magagawa niya kaagad ang kanyang gawain.
Ang bumubuo sa MIF board, aniya, ay mga tao mula sa Development Bank of the Philippines at Land Bank of the Philippines, dalawang full-time na direktor, tatlong independent director at ang kalihim ng Department of Finance sa isang ex officio capacity.
Samantala, tiniyak ni Villar sa publiko na titiyakin ng congressional oversight committee gayundin ng internal at external auditors na walang maling paggamit ng public funds sa MIF.
Sinabi rin ni Senate President Juan Miguel Zubiri na ang bersyon ng Senado ng MIF ay may kasamang dalawang pahina ng mga parusa para sa labag sa batas na paggamit ng pondo.
Sa totoo lang, dapat ay may kaalaman ang opisyal na itatalaga rito pagdating sa paghawak ng pera, tulad ng accountants, economists, auditor, etc. Wala dapat politiko r’yan o sinuman na may vested political interest.
Kung tutuusin ay mahirap nang pagkatiwalaan ang mga nasa gobyerno pagdating sa milyun-milyong pera, at mahirap ding pagkatiwalaan ang MIF kung sa umpisa pa lang ay puno na ito ng kontrobersya.
Dagdag pahirap lang ito sa mga maralita kaya sana ay pumili ng mga opisyal na talagang pangangalagaan ang pera ng taumbayan at hindi aabusuhin.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments