Mga pulis na protektor ng illegal gambling, dapat pangalanan din!
ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | April 20, 2023
DAHIL ‘NGANGA’ SI EX-P-DUTERTE SA PANANAKOP NG CHINA SA WPS, SIYA ANG WEAK LEADER, ‘DI SI P-BBM—Dinededma lang ni Pres. Bongbong Marcos (P-BBM) ang mga himutok ng China tungkol sa pagdaraos ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sa pagitan ng Pilipinas at Amerika, na ayon kay P-BBM, pandepensa ng bansa ang pag-apruba niya sa EDCA sa ‘Pinas.
Tama ang desisyon ni P-BBM tungkol sa EDCA ng Pilipinas at Amerika upang madepensahan ang bansa laban sa mapanakop na China. Dahil sa aksyon ng Pangulo, nakikita ngayon ng mamamayan na fake news ang sinabi noon ni ex-P-Duterte na weak leader si P-BBM. Kung laban ng ‘Pinas vs. China kasi ang pag-uusapan, lumalabas na si ex-P-Duterte ang ‘weak leader’ dahil ‘nganga’ lang siya sa pananakop ng China sa mga teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS) noong siya pa ang Pangulo, period!
◘◘◘
MGA PLUNDERER AT KURAKOT ANG DAPAT PAGBAWALANG KUMANDIDATO, ‘DI ANG MGA NUISANCE CANDIDATES—Isusulong daw ng Commission on Elections (Comelec) sa Senado at Kongreso na ipagbawal ang paglahok sa halalan ng mga nuisance candidate, at ang sinumang lalabag dito ay dapat sampahan ng kasong kriminal.
Sa totoo lang, kaya natatawag na nuisance candidate ang isang nais kumandidato ay dahil una, hindi siya kilala, at pangalawa, wala siyang kuwarta. Pero sa statement ng mga kinilalang nuisance candidate kapag ininterbyu, para sa kapakanan ng bayan at mamamayan ang kanilang sinasabi, kaya nais nilang kumandidato.
Ang nais nating ipunto rito, dapat hilingin ng Comelec sa Senado at Kongreso na gumawa ng batas upang pagbawalang tumakbo ang mga plunderer at kurakot na may kaso sa Sandiganbayan at Ombudsman, at hindi ‘yung mga nuisance candidate ang pagbabawalan nilang kumandidato. Boom!
◘◘◘
SANA, ‘DI LANG MGA SANGKOT SA DROGA ANG PANGALANAN NI P-BBM KUNDI PATI MGA PROTEKTOR NG ILLEGAL GAMBLING—Papangalanan daw ni P-BBM ang mga pulis na sangkot sa droga.
Sana, hindi lang ‘yung mga sangkot sa droga ang pangalanan ng Pangulo kundi pati ‘yung mga pulis na protektor ng mga illegal gambling sa bansa, period!
◘◘◘
MAKATI CITY, ILLEGAL GAMBLING CENTER NA RIN—Lantaran daw ang operasyon ng illegal gambling na lotteng at bookies nina ‘Toto,’ ‘Olan,’ ‘Dek,’ ‘Ricky,’ ‘Pejay’ at ‘Alan’ sa Makati City.
‘Yan ang Makati City ngayon sa ilalim ng liderato ni Mayora Abby Binay-Campos, hindi lang pang-business center kundi pang-illegal gambling center na rin. Boom!





Comments