Mga pulis na hindi nagsusustento sa pamilya, lagot!
@Editorial | Pebrero 17, 2023
Kung sino pa ang inaasahang tagapagpatupad ng batas ay sila pa ang pasimuno sa pang-aabuso.
Batay sa ulat, nanguna ang kasong pananakit at pang-aabuso sa kanilang asawa at anak ang naisasampa sa mga kapulisan.
Ayon sa Philippine National Police (PNP) Integrity Monitoring and Enforcement group, noong nakaraang taon lamang ay nanguna ang kasong paglabag sa Anti-violence against Women and their Children Law na isinampa sa mga kapulisan.
Kabilang na rito ang physical, sexual, psychological at economic abuse, ganundin ang hindi pagbibigay ng financial obligations o sustento sa kanilang pamilya.
Bagama't hindi nagkukulang sa pagbibilin sa mga kapulisan ukol sa tamang pag-uugali, lalo na ang pagbibigay ng suporta sa kanilang mga anak, hindi nga naman hawak ng pamunuan ng PNP ang utak ng mga parak. Malaking bagay na rin na umuusad ang mga kasong isinasampa sa mga abusado at pasaway na pulis.
Pero sana ay maging mas matapang ang batas laban sa kanilang masamang gawain. Hindi dapat umuubra 'yung dinadaan sa sindak para makalusot sa obligasyon.
Mas matinding parusa ang ibigay sa mga kapalmuks na pulis. Sa pamamagitan nito ay hindi madamay o mabahiran ng kahihiyan ang maraming pulis na nananatiling tapat sa serbisyo at sa pamilya.



Comments