top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

Mga pulis na dawit sa droga, papanagutin

Writer: BULGAR
BULGAR
Jan 10, 2024
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Enero 10, 2024


Dahil sa mga paglabag na may kinalaman sa droga sa Metro Manila, maraming pulis na sa ngayon ang kinasuhan ng pamahalaan. 


Sa video message ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sinabi nito na kung minsan ay nadadala o nasasangkot ang mga opisyal at hindi ito maaaring pabayaan o ipagwalang-bahala. Kaya ang nangyari aniya, 177 police officers ang kinasuhan ng drug-related offenses, kabilang na ang pagtatanim ng ebidensya, unlawful arrest at excessive violence dito pa lamang sa National Capital Region (NCR). 


Ayon sa Pangulo, hinahabol rin nila ngayon ang 151,818 court cases ng Department of Justice (DOJ) noong 2022, hanggang 2023 na may 121,582 kaso, kung saan naikulong na ang mga ito.


Paliwanag ni P-BBM na hindi lamang ito magagandang numero, kundi nagpapakita rin ito ng improvement pagdating sa paglaban ng administrasyon sa ilegal na droga. Aniya, sinisikap nilang mapabuti ang mga komunidad, ang buhay ng mga kababayan habang iniiwas ang mga kabataan na pumasok sa lifestyle o masangkot sa ilegal na droga. 


Matatandaang nasa P10.41 bilyong halaga ng ilegal na droga ang nasamsam ng administrasyong Marcos mula Enero hanggang Disyembre 2023, habang mahigit 27,000 drug-cleared barangay naman ang naitala ng mga otoridad.


Nauna na ring sinabi ng Philippine National Police (PNP) na bukod sa pagkumpiska ng malaking volume ng ilegal na droga, umabot na sa 56,495 drug suspects ang kanilang naaresto matapos magsagawa ng higit 44,000 anti-illegal drug operations.


Tama lang ang ginagawa ng gobyerno na paglaban natin sa ilegal na droga. 


Dapat na wala silang palalampasin o iaabsuwelto kahit pa mismong mga pulis at opisyal ay arestuhin at kasuhan nila kapag nadawit ang mga ito sa ganitong gawain.


Kung tutuusin, sila rin naman ang dapat na unang maglinis sa kanilang hanay dahil sila ang higit na nakakaalam na nagiging talamak na naman ang bentahan at paggamit ng droga sa ating bansa.


Sa mga kababayan, batid naman natin na wala talagang naidudulot na mabuti sa pamilya, sa komunidad, at sa ating sarili ang droga, kaya sana mas piliin nating iwasan na pumasok sa ganitong klase ng pamumuhay. 


Hiling lang natin sa kinauukulan na mas paigtingin ninyo ang pagtugis sa mga sangkot sa illegal drugs na kahit pa sabihing sila ay inyong mga kabaro. Wala kayo dapat na sasantuhin dahil kailangan talaga silang papanagutin.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page