Mga pulis, maging tapat sa taumbayan, ‘di sa pulitko
- BULGAR

- Feb 25
- 1 min read
by Info @Editorial | Feb. 25, 2025

Ang mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) ay itinuturing na mga tagapagpatupad ng batas. Sa kanilang mga kamay nakasalalay ang kapakanan at kaligtasan ng mga mamamayan, kaya’t nararapat lamang na maging tapat at walang kinikilingan ang kanilang serbisyo.
Gayunman, isa sa mga pinakamalaking hamon sa ating bansa ay ang pagkakasangkot ng ilang pulis sa pulitika, na hindi lamang naglalagay sa peligro ng kanilang kredibilidad, kundi pati na rin ang integridad ng buong kapulisan.
Ang pakikialam ng ilang pulis sa pulitika lalo na ngayong kasagsagan ng kampanya para sa eleksyon, sa kahit anong anyo, ay isang paglabag sa kanilang sinumpaang tungkulin.
Bilang mga alagad ng batas, mayroong malinaw na mandato na hindi makialam sa mga usaping pampulitika, upang mapanatili ang pagiging neutral at patas sa kanilang mga operasyon.
Kaugnay nito, tiniyak ng pamunuan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na mapaparusahan ang mga pulis na mapatunayang nakikibahagi sa partisan politics.
Naniniwala rin tayo na hindi sapat ang simpleng disiplina lamang, dapat ay may mga konkretong hakbang tulad ng suspensyon o pagtanggal sa serbisyo upang mapigilan ang maling gawain at mapanatili ang tiwala ng publiko sa institusyon.
Higit sa lahat, ito ay isang mensahe na ipinapadala sa buong kapulisan na ang kanilang tungkulin ay higit pa sa kanilang personal na interes at ambisyon.






Comments