top of page

Short fueling at hinalong gasolina, babala sa publiko

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 11 hours ago
  • 1 min read

by Info @Editorial | April 7, 2026



Editoryal, Editorial


Sa patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo, kasabay din nitong lumalaganap ang iba’t ibang uri ng panlilinlang o scam na may kinalaman sa fuel. 


Mula sa mga gasolinahan hanggang sa online bentahan, nagiging mas tuso ang mga manloloko—kaya’t nararapat lamang na maging mapagmatyag ang bawat mamimili.

Isa sa mga karaniwang isyu ay ang “short fueling” o kulang na pagkarga ng gasolina.


May ilang ulat na ang metro ng fuel pump ay minamanipula upang magmukhang tama ang bayad ngunit kulang ang aktwal na dami ng gasolina na naibibigay. 


Mayroon ding mga kaso ng pagbebenta ng hinalong gasolina. Sa halip na purong produkto, ito ay nilalagyan ng mas murang sangkap na maaaring makasira sa makina ng sasakyan. 


Hindi rin ligtas ang online marketplace. May mga nag-aalok ng murang diesel o gasolina na umano’y “discounted” o “direct from supplier,” ngunit sa huli ay panloloko lamang pala. Ang iba ay humihingi ng paunang bayad ngunit hindi na nagpapadala ng produkto.


Sa harap ng mga ganitong pananamantala, mahalaga ang pagiging mapanuri. Ugaliing bantayan ang metro habang nagpapakarga, tiyaking lehitimo ang gasolinahan, at iwasan ang mga kahina-hinalang alok online. 


Higit sa lahat, dapat maging aktibo ang pamahalaan sa pagpapatupad ng mahigpit na regulasyon at inspeksyon upang maprotektahan ang publiko.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page