Mga programa para sa mga mahihirap, ‘wag puro pramis lang!
ni Ryan Sison @Boses | July 30, 2023
Ipinahayag ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na nasa 1.69 milyong indibidwal ang makikinabang sa iba’t ibang procurement projects sa ilalim ng Conditional Matching Grant for Provinces and Financial Assistance sa mga local government units (LGUs).
Ayon kay DILG Secretary Benjamin ‘Benhur’ Abalos, Jr., kasama sa procurement projects ang 256 na natapos na at 236 pa ang pinoproseso.
Dagdag pa rito, binanggit ni Abalos na nasa tatlong milyong indibidwal ang nakikinabang sa pagkumpleto ng 2,778 farm-to-market roads, water and sanitation system, health stations, school buildings, rural electrification, at iba pang mga proyektong pang-imprastraktura sa geographically isolated at disadvantaged barangay sa ilalim ng Support to Barangay Development Program (SBDP) mula noong 2021.
Ang SBDP ay isang programa para tumulong sa pagtugon sa mga gaps sa pag-unlad sa mga Communist Terrorist Groups (CTGs) cleared barangay.
Samantala, nangako si Abalos na mananatiling matatag ang DILG sa pagpupursige sa kampanya ng administrasyon kontra ilegal na droga, habang palalakasin ang laban para linisin at palayasin ang mga scalawags cop sa hanay ng Philippine National Police (PNP).
Sa isang pahayag, ipinaliwanag ni Abalos na ang mga hakbang at patakaran ng DILG ay naaayon sa programang ‘Bagong Pilipinas’ ng Pangulo.
Iginiit niya na mananatiling matatag ang departamento sa pagtataguyod ng rule of law upang palakasin ang pundasyon ng pagbabago ng bansa.
Sa totoo lang, malawak ang kahirapan sa bansa, kaya hindi ganu’n kadali ang pagtugon sa suliraning ito. Sa aking palagay, ang unang dapat na gawin ng gobyerno ay gumawa muna ng hakbang kung paano pabababain ang presyo ng mga bilihin habang taasan ang suweldo ng mga manggagawa nang sa gayon mabawasan naman ang problema ng taumbayan.
Hindi rin puro pangako lang ang kailangan ng mamamayan, ang importante sa atin ay may mas maayos na plano ang gobyerno at epektibong aksyon upang matugunan ang mga partikular na isyu gaya na lamang ng kahirapan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments