Mga Pres’l. Appointee, sasailalim sa performance review
- BULGAR
- Feb 7, 2024
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | Pebrero 7, 2024
Upang matiyak na patuloy at kuwalipikado pa rin sa kanilang mga posisyon, ang mga presidential appointees ay sasailalim sa performance review.
Ito ang naging pahayag ni Presidential Spokesperson Cheloy Garafil sa mga reporter nang hilingin ng mga ito na kumpirmahin ang isang memorandum umano mula sa Presidential Management Staff (PMS) na kumakalat ngayon sa social media.
Ayon kay Garafil, ito ay isang direktiba sa lahat ng presidential appointees, kabilang ang mga itinalaga ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., bilang bahagi ng performance review at upang matiyak ang patuloy na kuwalipikasyon ng mga ito para manatili sa puwesto.
Batay sa memo na naka-address sa lahat ng heads ng mga departamento, ahensya, opisina, at instrumentalities, kabilang na ang mga Government-Owned-or-Controlled Corporations (GOCCs), Government Financial Institutions (GFIs), at State Universities and Colleges (SUCs), lahat ng presidential appointees na itinalaga bago ang Pebrero 1, 2023 ay inatasan na magsumite ng kanilang updated personal data sheet at mga clearance mula sa Civil Service Commission (CSC), National Bureau of Investigation (NBI), Office of the Ombudsman, at Sandiganbayan.
Dapat tiyakin ng mga pinuno ng mga tanggapan ang pagsunod ng mga presidential appointees.
Nakasaad din sa memorandum na may petsang Pebrero 2, 2024, na ang lahat ng mga requirements ay dapat isumite sa PMS sa loob ng 30 araw mula sa kanilang issuance.
Matatandaang, nang inilunsad ang ‘Bagong Pilipinas’ noong January 28, pinaalalahanan ni P-BBM ang mga government official na sila ay mga public servant, kung saan sila ay mga lingkod ng mga mamamayan at hindi panginoon. Gayundin, ang mga government employee ay hindi dapat maging tamad dahil ang mabagal na serbisyo ay walang lugar sa kanyang administrasyon. Habang anang Pangulo, na kahit anong opisina ng gobyerno, ang red tape ay dapat palitan ng red carpet.
Tama lang ang gagawin ng kinauukulan na rebyuhin ang mga trabaho at gawain ng mga presidential appointee kung sila ba ay kuwalipikado pa o hindi na.
Mayroon kasing iba r’yan na tila tatamad-tamad sa kanilang opisina habang sumusuweldo mula sa kaban ng bayan.
Marahil, kapag napatunayan walang output o walang nagawa para umunlad ang kanilang departamento ay agad na sibakin.
Sakali namang masangkot sa anumang korupsyon o masamang gawain ay patawan din ito ng mabigat na parusa.
Kung talagang gusto natin ng tunay na pagbabago para mapabuti ang ating bansa, simulan ito sa itaas at may katungkulan hanggang sa ibaba.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com




Comments