Mga poor, wala na ngang makain, mawawalan pa maiinom na tubig
ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | March 26, 2023
INSULTO SA MGA CONSTITUTIONALISTS ANG NAIS NG ISANG DATING BILANGGO SA BILIBID NA BAGUHIN ANG 1987 CONSTITUTION—Insulto sa mga constitutionalists na nagbalangkas ng 1987 Constitution ang nais ni Sen. Robin Padilla na baguhin ang mga nilalaman ng Saligang Batas.
Insulto ito kasi mantakin n’yo, ang tataas ng kanilang mga pinag-aralan, kung saan talagang ‘piniga’ nila ang kanilang mga isip para mailagay sa Konstitusyon ang mga batas para sa kapakanan ng bayan at mamamayan, tapos isang dating bilanggo sa Bilibid sa katauhan ni Sen. Padilla ang nais magbago ng mga nilalaman ng Saligang Batas ng Pilipinas. Tsk!
◘◘◘
‘DI NGA MAKAGAWA NG FIGHTER JET ANG ‘PINAS, TAPOS TRIP NI ENRILE MAGKA-NUCLEAR BOMB ANG PHILIPPINES—Sakaling mabago ang Konstitusyon, ang nais ni Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile ay alisin sa Saligang Batas ang ban sa paggawa ng nuclear weapon. Ayon pa kay Enrile, panahon na rin para gumasta at gumawa ang Pilipinas ng sarili nitong armas nukleyar.
Hay naku, hindi nga makagawa ang Philippine government ng kahit isang bagong fighter jet, asa lang sa pagbili ng mga segunda manong eroplanong pandigma, tapos ang trip ni Enrile ay gumawa ng nuclear bomb ang Pilipinas. Ha-ha-ha!
◘◘◘
‘PAG NAGKA-WATER CRISIS, MGA POOR ANG KAWAWA KASI WALA NANG MAKAIN, WALA PANG MAINOM NA TUBIG—Noong Enero 19, 2023, naglabas ng survey ang Social Weather Stations (SWS) na higit 3 milyong pamilyang Pilipino ang nakakaranas ng gutom dahil hindi nakakakain nang tatlong beses sa isang araw dulot ng kahirapan sa buhay. At nitong Marso 24, 2023, mismong si Pres. Bongbong Marcos (P-BBM) ang nagsabi na may nagbabadyang water crisis sa Pilipinas. Para raw masolusyonan ito, gumagawa siya ng executive order sa pagtatatag ng Office of the Water Management (OWM).
Sana nga ay masolusyonan ng itatatag na OWM ni P-BBM ang nagbabadyang kakapusan ng tubig sa Pilipinas dahil kung hindi ito masosolusyunan, kawawa ang mga maralitang Pinoy dahil wala na nga silang makain, mawawalan pa ng maiinom na tubig. Boom!
◘◘◘
‘PAG ANG BAGONG DEADLY VIRUS FROM AFRICA AY NAKAPASOK SA ‘PINAS, ‘BUSOG’ NA NAMAN SA PANGUNGURAKOT ANG MGA BUWAYA SA PAMAHALAAN—Sana ay huwag umabot sa Pilipinas ang bagong deadly virus, na pinangalanang ‘Marburg virus disease’ na nananalasa ngayon sa Africa.
Kapag umabot kasi sa ‘Pinas ang virus na ‘yan, ang kawawa ay mamamayan, habang sa kabilang banda, ‘mabubusog’ na naman sa pangungurakot ang mga buwaya sa pamahalaan.
Kita n’yo ang nangyari sa panahon ng pananalasa ng COVID-19 sa bansa, kung saan habang ‘nakakulong’ sa bahay ang mamamayan at binibigyan ng kakarampot na ayuda ng Duterte administration, may mga buwaya sa pamahalaan ang nakipagsabwatan sa Pharmally Pharmaceutical Inc. para sindikatuhin at kurakutin ang kaban ng bayan.
Buset!





Comments