top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Mga Pinoy sa lindol sa Turkey at Syria, nanawagan ng tulong

Writer: BULGAR
BULGAR
Feb 9, 2023
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Pebrero 9, 2023


Mabigat na pagsubok ng kalikasan ang nararanasan ngayon ng mga mamamayan ng Turkey at Syria matapos ang naitalang magnitude 7.8 na lindol sa kanilang bansa nitong Pebrero 6.


Batay sa ulat, hindi bababa sa 7,800 katao na ang namatay sa pinakamalakas na pagyanig sa lugar habang patuloy pa ang mga naire-report na mga nasawi.


Sa isang panayam sa bise presidente ng Filipino community sa Turkey na si Weng Timoteo, mayroong 4,006 Pilipino sa isang lugar na naroroon, habang may tatlong Pinay naman ang nawawala sa Hatay, isa sa 11 probinsya na labis na naapektuhan ng mga pagyanig.


Sinabi rin ni Timoteo na napakahirap ng komunikasyon ngayon sa Turkey matapos ang insidente.


Aniya, isa sa tatlong Pinay na kausap lamang niya, na nagsabing gumuho na ang bahay ng kaibigan nito, ay biglang naputol ang linya at hindi na makontak.


Ayon pa kay Timoteo, dalawa pang Pinay ang kanila ring hinahanap dahil isa rito ang nagsabing ang kanyang amo ay namatay, subalit wala pa itong kumpirmasyon sa kanila.


Marami ring mga Pinoy ang nakikipagsiksikan na sa mga kubol at nanawagan na ng tulong dahil sa napakalamig sa lugar, kung saan ang pangunahing kailangan nila ngayon ay mga kumot, heater, tent, tubig at pagkain.


Samantala, sa pahayag ni Philippine Ambassador to Turkey Maria Elena Algabre, wala pa silang natatanggap na report hinggil sa Pinoy casualty matapos ang malakas na lindol.


Subalit, may 248 Pinoy ang nasa rehiyon na labis na naapektuhan dahil marami aniyang gusali ang gumuho, walang kuryente, malamig at umuulan.


Ayon din kay Algabre, nakapagtala ng 78 aftershocks at ang iba rito ay kasinglakas nang unang lindol na naramdaman sa nasabing rehiyon. Habang tinatayang nasa 9,000 search and rescue personnel na umano ang tumutulong para hanapin ang mga biktima.


Namahagi na rin aniya, ang gobyerno ng Turkey ng 300,000 kumot at naglunsad ng mga mobile kitchens sa iba’t ibang lugar doon.


Kaugnay nito, ipinahayag ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. na magpapadala ang bansa ng 85-member team sa Turkey upang tumulong sa paghahanap sa mga survivors at pagbibigay ng ayuda.


Sinabi ng Pangulo na manggagaling ang contingent sa Office of Civil Defense, Department of Health, Philippine Army, Philippine Air Force, Metro Manila Development Authority at iba pa.


Ayon pa sa Punong Ehekutibo, handa ang Pilipinas na tumulong sa anumang paraan.


Hindi mailalarawan ng mga salita kapag ang kalikasan na ang sumubok sa sangkatauhan. Mahirap na ipaliwanag kung bakit nangyayari ito.


Marahil, may mga pagkukulang at kapabayaan din ang taumbayan, subalit ang tanging magagawa lang natin, sa kabila ng iba’t iba ang ating lahi ay magtulungan.


Sa mga biktima at survivor, kapit lang at bangon ulit, at higit sa lahat magtiwala pa rin tayo sa Diyos.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.co

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page