Mga Pinoy, puno ng pag-asa sa 2023
ni Ryan Sison @Boses | December 21, 2022
Positibong haharapin ng 9 sa 10 Pilipino ang taong 2023 nang may pag-asa.
Ito ay ayon sa Pulse Asia survey na isinagawa 1,200 Pilipino mula Nobyembre 27 hanggang Disyembre 1, kung saan nasa 8% ang hindi masabi kung sila ay hopeful o walang nakikitang pag-asa para sa 2023, habang 0.1% naman ang walang pag-asa.
Sa naturang survey, ang National Capital Region (NCR) ang may pinakamaraming may mataas na pag-asa para sa 2023 o katumbas ng 94%, na sinundan ng 89% sa Balance Luzon, Visayas na may 99%, at sa Mindanao na may 89%. May 92% namang Pinoy adults ang may pinakamalaking pag-asa sa pagpasok ng susunod na taon.
Samantala, nang tanungin kung magiging masaya ang kanilang pagdiriwang ng Kapaskuhan, nasa 43% ang nagsabi na magiging masaya, 52% naman ang naniniwala na magiging pareho ng nakaraang taon, habang nasa 6% ang nagsabing mahirap ang kanilang selebrasyon ngayon kaysa noong 2021.
May 43% ng adult population sa bansa ang nagsabing masagana ang pagdiriwang ng Pasko ngayong taon, 42% naman ang nagsabing pareho lang ng nagdaang taon.
Sa gitna ng sandamakmak na problema ng bansa, magandang balita na hindi pa rin nawawalan ng pag-asa ang ating mga kababayan para sa susunod na taon.
‘Ika nga, hindi biro ang mga pinagdaraanan ng bansa, ngunit nakatutuwa na maraming naniniwala na may magaganda pang mangyayari sa 2023.
Sana’y magsilbi itong inspirasyon sa gobyerno na lalo pang magsikap na gumawa ng mga hakbang upang mabawasan ang mga problema ng bansa.
Kasabay nito ay umaasa tayong matutugunan ng pamahalaan ang inflation at problema sa trapik, mga bagay na labis na nagpahirap sa ating mga kababayan.
Habang palapit ang pagtatapos ng taon, pakiusap natin sa lahat, laban lang, may pag-asa pa sa 2023.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments