top of page
Search
  • BULGAR

Mga Pinoy na nasaktan sa lindol sa Taiwan, dapat tulungan

ni Ryan Sison @Boses | Abril 5, 2024



Hindi bababa sa tatlong Pilipino ang nai-report na nasugatan matapos ang malakas na lindol na yumanig sa Taiwan nitong Miyerkules.


Ayon kay Manila Economic and Cultural Office (MECO) Chairperson Silvestre Bello III, walang Pinoy na naiulat na nasawi sa ngayon sa malakas na pagyanig, subalit tatlong Pinoy ang nagtamo ng “minor injuries”.


Batay sa opisyal, isa sa mga nasugatang kababayan ang nag-panic at nataranta, at naiipit ang kanyang kamay sa pinto nang mangyari ang pagyanig. Ang isa naman ay nagtamo ng mga sugat nang bumagsak ang kisame at tumama sa kanyang ulo. Hindi naman nagbigay ng detalye si Bello tungkol sa ikatlong Pinoy na nasaktan.


Sinabi ni Bello na ang tatlong Pinoy ay wala sa Hualien City, Taiwan, ang sentro ng lindol, kung saan mayroong mahigit 1,400 Filipino workers.


Maliban aniya sa tatlong nabanggit, wala nang ibang kababayan na apektado na kasama sa casualties.


Tinitiyak naman ng Department of Migrant Workers (DMW) ang kaligtasan ng 159,480 Pilipino na kasalukuyang naninirahan sa Taiwan.


Sa pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., nitong Miyerkules, sinabi nitong handa silang tumulong at sumuporta sa mga kapwa Pilipino sa Taiwan sa anumang posibleng paraan lalo na sa ganitong mahirap na panahon.


Nagpadala na rin ang Pangulo ng pakikiramay sa Taiwan habang kumilos na ang DMW para tulungan ang mga Pinoy na naapektuhan ng lindol.


Tinatayang siyam na katao ang nasawi at mahigit 1,000 ang nasugatan sa pinakamalakas na lindol sa Taiwan na sumira sa dose-dosenang mga gusali at nagdulot ng mga babala ng tsunami hanggang sa Japan at Pilipinas bago ito tuluyang binawi.


Ang magnitude-7.5 na lindol nitong Miyerkules ay tumama bago mag-alas-8 ng umaga local time, kung saan inilagay ng United States Geological Survey ang epicenter sa 18 kilometro sa timog ng Hualien City, Taiwan, na may lalim na 34.8 kilometro.


Ang nangyaring lindol sa Taiwan, ang pinakamalakas matapos ang magnitude-7.6 earthquake na naganap noong Setyembre 1999, na pumatay sa 2,400 katao.


Hindi biro ang tumamang lindol sa Taiwan na sadyang napakalakas kung saan nakapagtala na rin ng mga nasawi at maraming nasugatan.


Mabuti at wala pang naiulat na Pinoy casualty, maliban lamang sa tatlong kababayan nating nasaktan. Mainam din na nagpadala agad ng tulong ang ating gobyerno sa kanila na siguradong labis na naapektuhan matapos ang pagyanig.


Hiling lang natin sa ating mga kababayan na ipagdasal natin ang mga Pinoy na naroon sa naturang bansa, na maging maayos ang kanilang kalagayan, gayundin ang mga mamamayan ng Taiwan, at sana’y ingatan sila ng Poong Maykapal. Patuloy din sana na tulungan ang mga apektadong Pinoy doon.


Sa mga kababayan natin sa Taiwan, gawing magtiwala sana sa Diyos sa lahat ng oras dahil siguradong malalampasan din natin ang nangyaring ito.



 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page